Archive for the ‘ANG BANAL NA PANGALAN’ Category

Bakit Kailangang Makilala Natin ang Pangalan ng Diyos

January 5, 2012

Bakit Kailangang Makilala Natin ang Pangalan ng Diyos

“ANG lahat ng nagsisitawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Roma 10:13) Dito idiniin ni apostol Pablo kung gaano kahalaga na makilala natin ang pangalan ng Diyos. Tayo’y ibinabalik nito sa unang tanong natin: Bakit ang ‘pagsamba,’ o ‘pagbanal,’ sa pangalan ng Diyos ay inilagay ni Jesus sa mismong unahan ng kaniyang Modelong Panalangin, una sa marami pang importanteng mga bagay? Tungkol dito, kailangang maunawaan natin nang higit pa ang kahulugan ng dalawang pangunahing salita.

Una, anong talaga ang ibig sabihin ng salitang ‘sambahin,’ o “pakabanalin”? Ang literal na kahulugan ay: “gawing banal.” Nguni’t hindi baga banal naman ang pangalan ng Diyos? Oo. Pagka pinakabanal natin ang pangalan ng Diyos, wala tayong naidaragdag na kabanalan doon. Kundi ating kinikilala na iyon ay banal, itinatangi iyon, labis na pinahahalagahan. Sa pagdalangin natin na pakabanalin nawa ang pangalan ng Diyos, inaasam-asam natin ang panahon na ito’y igagalang ng lahat ng nilalang.

Ikalawa, ano bang talaga ang ipinahihiwatig ng salitang “pangalan”? Napag-alaman natin na ang Diyos ay may pangalan, Jehova, at libu-libong beses lumilitaw sa Bibliya ang kaniyang pangalan. Tinalakay natin ang kahalagahan ng pagsasauli ng pangalang iyan sa wastong dako ng teksto ng Bibliya. Kung wala rito ang pangalan, paano matutupad ang mga salita ng salmista: “Silang nakakaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo, sapagka’t hindi mo pababayaan yaong mga nagsisihanap sa iyo, Oh Jehova.”—Awit 9:10.

Nguni’t ang ‘pagkaalam ba ng pangalan ng Diyos’ ay pagkaalam lamang na ang pangalan ng Diyos sa Hebreo ay YHWH, o sa Tagalog ay Jehova? Hindi, kundi higit pa riyan. Nang naroon si Moises sa Bundok ng Sinai, “Si Jehova ay bumaba sa ulap at tumayong kasama [ni Moises] roon at ipinahayag ang pangalan ni Jehova.” Ano ba ang kasali sa pagpapahayag na ito ng pangalan ni Jehova? Ang pagbanggit sa kaniyang mga katangian: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan.” (Exodo 34:5, 6) Muli, nang malapit nang mamatay si Moises, sinabi niya sa mga Israelita: “Aking ipahahayag ang pangalan ni Jehova.” Ano ang sumunod? Binanggit ang ilan sa Kaniyang mga dakilang katangian, at saka inilahad ang naisagawa ng Diyos alang-alang sa Kaniyang pangalan may kaugnayan sa Israel. (Deuteronomio 32:3-43) Kaya, ang pagkaalam sa pangalan ng Diyos ay nangangahulugan ng pagkaalam kung ano ang kinakatawan ng pangalang iyon at ng pagsamba sa Diyos na may gayong pangalan.

Yamang ang pangalan ni Jehova ay kaugnay ng kaniyang mga katangian, layunin at gawa, nakikita natin kung bakit sinasabi ng Bibliya na ang pangalan ng Diyos ay banal. (Levitico 22:32) Ito’y marilag, dakila, kakilakilabot at pagkataas-taas. (Awit 8:1; 99:3; 148:13) Oo, hindi basta pangalan lamang ang pangalan ng Diyos. Hindi iyon pansamantalang pangalan na gagamitin sa sandaling panahon at pagkatapos ay hahalinhan ng titulo na gaya ng “Panginoon.” Sinabi ni Jehova kay Moises: “‘Jehova . . .’ Ito ang aking pangalan magpakailanman, at ito ang aking pinaka-alaala sa lahat ng sali’t-saling-lahi.”—Exodo 3:15.

Hindi malilipol ng tao ang pangalan ng Diyos sa lupa, pag-ubusan man ng lakas. “‘Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga bansa, at sa bawa’t dako ay hahandugan ng kamangyan, hahandugan ng dalisay na handog ang aking pangalan; sapagka’t ang pangalan ko ay magiging dakila sa gitna ng mga bansa,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—Malakias 1:11; Exodo 9:16; Ezekiel 36:23.

Ang pagbanal sa pangalan ng Diyos ang pinakamahalaga sa lahat. Lahat ng layunin ng Diyos ay kaugnay ng kaniyang pangalan. Pumasok ang mga problema sa sangkatauhan nang unang lapastanganin ni Satanas ang pangalan ni Jehova nang tawagin Siya, sa pinaka-diwa, na isang sinungaling at hindi karapat-dapat mamahala sa lahi ng sangkatauhan. (Genesis 3:1-6; Juan 8:44) Pagka lamang naipagbangong-puri na ang pangalan ng Diyos matutubos ang tao sa nakapinsalang mga epekto ng kasinungalingan ni Satanas. Kaya labis-labis na idinadalangin ng mga Kristiyano na pakabanalin nawa ang pangalan ng Diyos. Ikaw man ay may magagawa rin upang pakabanalin ito.

Paano Natin Mapagiging Banal ang Pangalan ng Diyos?

Ang isa’y ang kausapin mo ang iba tungkol kay Jehova at ibalita na ang kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo Jesus ang tanging pag-asa ng tao. (Apocalipsis 12:10) Marami ang gumagawa nito, bilang katuparan ngayon ng hula ni Isaias: “Sa araw na iyon ay tiyak na sasabihin ninyo: ‘Magpasalamat kayo kay Jehova, kayong mga tao! Kayo’y magsitawag sa kaniyang pangalan. Itanyag ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa. Sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay dakila. Magsiawit kayo kay Jehova, sapagka’t siya’y gumawa ng higit na maririlag na bagay. Ito’y ipinaáalám sa buong lupa.’”—Isaias 12:4, 5.

Ang isa pa’y ang sundin ang mga batas at kautusan ng Diyos. Sinabi ni Jehova sa bansang Israel: “Inyong iingatan ang aking mga utos at tutuparin. Ako ay si Jehova. At huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan, at ako’y sasambahin sa gitna ng mga anak ni Israel. Ako ay si Jehova na nagpapaging banal sa inyo.”—Levitico 22:31, 32.

Paanong ang pag-iingat ng mga Israelita ng Kautusan ni Jehova ay nagpabanal sa kaniyang pangalan? Ang Kautusan ay ibinigay sa mga Israelita salig sa kaniyang pangalan. (Exodo 20:2-17) Kaya, sa pagsunod nila sa Kautusan, sila’y wastong nagpaparangal at gumagalang sa pangalang iyan. At, ang pangalan ni Jehova ay taglay ng mga Israelita bilang isang bansa. (Deuteronomio 28:10; 2 Cronica 7:14) Pagka wasto ang ikinikilos nila, ito’y nagdadala ng kapurihan sa kaniya, gaya ng isang anak na pagka wasto ang ikinilos ay nagdadala ng kapurihan sa kaniyang ama.

Nguni’t, pagka ang mga Israelita ay hindi sumunod sa Kautusan ng Diyos, yao’y paglapastangan sa kaniyang pangalan. Sa gayon, ang paghahandog sa mga idolo, panunumpa ng kasinungalingan, pang-aapi sa dukha at pakikiapid ay tinutukoy sa Bibliya na ‘paglapastangan sa pangalan ng Diyos.’—Levitico 18:21; 19:12; Jeremias 34:16; Ezekiel 43:7.

Ang mga Kristiyano ay binigyan din ng mga utos salig sa pangalan ng Diyos. (Juan 8:28) At sila’y ‘isang bayan ukol sa pangalan ni Jehova.’ (Gawa 15:14) Kaya, ang Kristiyano na taimtim na dumadalanging, “Sambahin nawa ang pangalan mo” ay sasamba sa pangalang iyan sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng utos ng Diyos. (1 Juan 5:3) Kasali rito ang pagsunod sa mga utos buhat sa Anak ng Diyos, si Jesus, na laging lumuluwalhati sa kaniyang Ama.—Juan 13:31, 34; Mateo 24:14; 28:19, 20.

Nang gabing bago siya patayin, sa mga Kristiyano’y idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng pangalan ng Diyos. Matapos sabihin sa kaniyang Ama: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ko,” ipinagpatuloy niya, “upang ang pag-ibig na iniyiibig mo sa akin ay suma-kanila at ako’y makaisa nila.” (Juan 17:26) Sa pagkaalam ng mga alagad sa pangalan ng Diyos ay nakilala rin nila ang pag-ibig ng Diyos. Pinapangyari ni Jesus na makilala nila ang Diyos bilang kanilang maibiging Ama.—Juan 17:3.

Ang Epekto Nito sa Iyo

Sa pulong noong unang siglo ng Kristiyanong mga apostol at nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem, sinabi ng alagad na si Santiago: “Isinaysay na lubusan ni Simeon kung paano unang pagkakataon noon na ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” Ikaw ba’y makikilala na isa sa mga kinuha ng Diyos para makasali sa “bayan ukol sa kaniyang pangalan” kung hindi mo ginagamit o taglay ang pangalang iyon?—Gawa 15:14.

Bagaman marami ang ayaw gumamit ng pangalang Jehova, at inalis sa kanilang mga salin ng maraming tagapagsalin ng Bibliya, angaw-angaw na mga tao sa buong daigdig ang malugod na tumanggap sa pribilehiyong taglayin ang pangalan ng Diyos, gamitin ito hindi lamang sa pagsamba kundi pati sa araw-araw na pakikipag-usap, at ihayag ito sa iba. Kung may nagbalita sa iyo tungkol sa Diyos ng Bibliya at ginamit ang pangalang Jehova, anong relihiyon ang sasaisip mo? May iisa lamang relihiyon na palagiang gumagamit ng pangalan ng Diyos sa kanilang pagsamba, gaya rin ng mga sumasamba sa kaniya noong una. Sila’y ang mga Saksi ni Jehova.

Ang salig-Bibliyang pangalang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakilala sa mga Kristiyanong ito bilang isang ‘bayan ukol sa pangalan ng Diyos.’ Kanilang ipinagmamapuri na taglay nila ang pangalang iyan, sapagka’t iyan ang pangalang ibinigay ng Diyos na Jehova mismo sa mga tunay na sumasamba sa kaniya. Sa Isaias 43:10 ay mababasa natin: “‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘samakatuwid nga’y ang aking lingkod na aking pinili.’” Sino ba ang tinutukoy dito ng Diyos? Tingnan natin ang ilan sa nauunang mga talata.

Sa talatang 5 hanggang 7 ng kabanata ring iyan, sinasabi ni Isaias: “Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasa-iyo. Mula sa pagsikat ng araw dadalhin ko ang iyong binhi, at mula sa paglubog ng araw pipisanin kita. Sasabihin ko sa hilaga, ‘Bayaan mo!’ at sa timog, ‘Huwag mong pigilin. Dalhin mo rito ang aking mga anak na lalaki mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae mula sa kadulu-duluhan ng lupa, bawa’t tinatawag sa aking pangalan at yaong aking nilikha ukol sa aking kaluwalhatian, na aking inanyuan, oo, na aking ginawa.’” Sa panahon natin, ang mga talatang iyan ay tumutukoy sa sariling bayan ng Diyos na kaniyang tinipon buhat sa lahat ng bansa upang pumuri sa kaniya at maging kaniyang mga saksi. Kaya’t ang pangalan ng Diyos ay hindi lamang nagpapakilala sa kaniya kundi ipinakikilala rin pati kaniyang mga tunay na lingkod sa lupa ngayon.

Mga Pagpapala ng Pagkakilala sa Pangalan ng Diyos

Inililigtas ni Jehova ang nagsisiibig sa kaniyang pangalan. Sinabi ng salmista: “Sapagka’t kaniyang inilagak ang pag-ibig niya sa akin, siya naman ay aking ililigtas. Aking bibigyan siya ng proteksiyon sapagka’t kaniyang nakilala ang aking pangalan.” (Awit 91:14) Kaniya ring inaalaala sila: “Noon ang mga natatakot kay Jehova ay nagsang-usapan, bawa’t isa’y sa kasama niya, at patuloy na pinakinggan at dininig ni Jehova. At isang aklat ng alaala ang napasulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at sa mga gumugunita sa kaniyang pangalan.”—Malakias 3:16.

Hindi lamang sa buhay na ito nakikinabang tayo sa pagkakilala at pag-ibig sa pangalan ng Diyos. Sa masunuring mga tao ay nangako si Jehova ng buhay na walang-hanggan sa kaligayahan sa lupang Paraiso. Kinasihan si David na sumulat: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay ihihiwalay, nguni’t yaong mga umaasa kay Jehova ang magmamana ng lupa. Nguni’t ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:9, 11.

Paano mangyayari ito? Sinagot ito ni Jesus. Sa Modelong Panalangin, na kung saan itinuro niya sa atin na manalanging, “Pakabanalin nawa ang pangalan mo,” isinusog pa niya: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Oo, ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo ang magpapabanal sa pangalan ng Diyos at magdadala ng mabubuting kalagayan sa lupang ito. Aalisin niyaon ang kabalakyutan, digmaan, krimen, taggutom, sakit at kamatayan.—Awit 46:8, 9; Isaias 11:9; 25:6; 33:24; Apocalipsis 21:3, 4.

Buhay na walang hanggan ang maaari mong tamasahin sa ilalim ng Kahariang iyan. Paano? Kung makikilala mo ang Diyos. “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang magkaroon ng gayong kaalaman.—Gawa 8:29-31.

Sana ang impormasyon sa brosyur na ito ay nakakumbinse sa iyo na ang Maylikha ay may personal na pangalan na napakahalaga sa kaniya. Dapat na maging napakahalaga rin sa iyo. Sana’y matanto mo ang kahalagahan ng pagkakilala at paggamit sa pangalang iyan, lalo na sa pagsamba.

At maging disidido ka sanang sabihin ang gaya ng sinabi ni propeta Mikas nang buong tapang daan-daang taon na ang lumipas: “Lahat ng bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawa’t isa sa pangalan ng kaniyang diyos; nguni’t kami, sa ganang amin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na aming Diyos hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga’y magpakailanman.”—Mikas 4:5.

[Blurb sa pahina 28]

Ang ‘pagkakilala sa pangalan ng Diyos’ ay hindi lamang ang pagkaalam mo na ang pangalan niya’y Jehova

[Blurb sa pahina 30]

Ang pangalan ni Jehova ay ‘marilag, dakila, kakilakilabot at pagkataas-taas.’ Lahat ng layunin ng Diyos ay kaugnay ng kaniyang pangalan

[Kahon sa pahina 29]

Sa isang artikulo sa Anglican Theological Review (Oktubre 1959), idiniin ni Dr. Walter Lowrie ang pangangailangan na makilala ang pangalan ng Diyos. Sumulat siya: “Sa mga relasyon ng tao ay lubhang mahalaga na mapag-alaman ang pangalang pantangi, ang personal na pangalan, ng taong ating iniibig, ng ating kausap, o ng taong ating tinutukoy sa ating kausap. Ganiyan din sa relasyon ng tao sa Diyos. Ang taong hindi nakakakilala sa Diyos sa pangalan ay hindi talagang nakakakilala sa kaniya bilang isang persona, hindi niya makakausap bilang kakilala (na ito ang ibig sabihin ng panalangin), at hindi niya maiibig siya, kung ang alam niya’y isa lamang puwersa ito at hindi isang persona.”

 

 

 

 

 

Advertisements

Ang Pangalan ng Diyos at ang “Bagong Tipan”

January 5, 2012

Ang Pangalan ng Diyos at ang “Bagong Tipan”

ANG kalagayan ng pangalan ng Diyos ay matatag sa Kasulatang Hebreo, ang “Matandang Tipan.” Bagaman ang mga Judio ay huminto sa wakas ng pagbigkas niyaon, ang kanilang mga paniwalang relihiyoso ang humadlang sa kanila sa pag-alis sa pangalan nang gumawa sila ng mga kopya ng mas matatandang manuskrito ng Bibliya. Kaya, sa Kasulatang Hebreo ay nakasulat ang pangalan ng Diyos nang mas marami kaysa ano mang ibang pangalan.

Iba naman kung tungkol sa Kasulatang Griego Kristiyano, ang “Bagong Tipan.” Sa mga manuskrito ng aklat ng Apocalipsis (ang huling aklat ng Bibliya) ay naroon ang pangalan ng Diyos sa pinaikling anyo, na “Jah,” (sa salitang “Hallelujah”). Maliban diyan, walang sinaunang manuskritong Griego ng taglay natin ngayong mga aklat ng Mateo hanggang Apocalipsis ang mayroon ng buong pangalan ng Diyos. Ibig bang sabihin na ang pangalan ay hindi dapat na naroon? Magiging kataka-taka iyan yamang ang mga tagasunod ni Jesus ay kumilala sa kahalagahan ng pangalan ng Diyos, at sa atin ay itinuro ni Jesus na idalanging pakabanalin nawa ang pangalan ng Diyos. Kaya’t ano ang nangyari?

Upang maunawaan ito, tandaan na ang mga manuskrito ng Kasulatang Griego Kristiyano na taglay natin ngayon ay hindi mga orihinal. Ang tunay na mga aklat na isinulat nina Mateo, Lucas at ng iba pang mga manunulat ng Bibliya ay gamít na gamít na at nangasira na. Kaya gumawa ng mga kopya, at nang mangasira rin ito ay patuloy na gumawa ng mga kopya ng mga kopyang iyon. Ito ang inaasahan natin, yamang karaniwan nang ginagawa ang mga kopya upang gamitin, hindi para mapanatili.

Mayroong libu-libong kopya ng Kasulatang Griego Kristiyano na umiiral pa ngayon, nguni’t karamihan nito ay ginawa noong ikaapat na siglo ng ating Karaniwang Panahon. Ito’y nagpapahiwatig ng maaaring mangyari: May nangyari ba sa teksto ng Kasulatang Griego Kristiyano bago ng ikaapat na siglo na ang resulta’y ang pagkaalis ng pangalan ng Diyos? Ang mga pangyayari’y nagpapatunay na ganoon nga.

Ang Pangalan ay Naroroon

Matitiyak natin na sa kaniyang Ebanghelyo’y isinulat ni Mateo ang pangalan ng Diyos. Bakit? Sapagka’t ang orihinal nito ay isinulat niya sa Hebreo. Noong ikaapat na siglo, ang nagsalin ng Latin Vulgate, si Jerome, ay nag-ulat: “Si Mateo, na siya ring si Levi, na isang maniningil ng buwis nang tawaging apostol, una sa lahat ay sumulat ng Ebanghelyo ni Kristo sa Judaea sa wikang Hebreo . . . Hindi natitiyak kung sino ang nagsalin nito sa Griego. Nguni’t, ang Hebreo mismo ay naingatan at naroroon ngayon sa aklatan sa Cesarea.”

Yamang sa Hebreo isinulat iyon ni Mateo, imposible na hindi niya ginamit ang pangalan ng Diyos, lalo na kapag sumisipi sa mga bahagi ng “Matandang Tipan” na mayroon ng pangalang iyon. Subali’t, ang mga ibang manunulat ng ikalawang bahagi ng Bibliya ay sumulat para sa mga mambabasa sa buong daigdig sa pandaigdig na wika noong panahong iyon, ang Griego. Kaya, sila’y hindi sa orihinal na kasulatang Hebreo sumipi kundi sa bersiyong Griego ng Septuagint. Sa wakas ay isinalin din sa Griego ang Ebanghelyo ni Mateo. Narito kaya sa mga kasulatang Griegong ito ang pangalan ng Diyos?

Ang ilang pagkatatanda nang mga bahagi ng Septuagint Version na noon pang kaarawan ni Jesus ay umiiral hangga ngayon, at mapupuna na ang personal na pangalan ng Diyos ay naroroon pa. Sinasabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology (Tomo 2, pahina 512): “Dahilan sa natuklasan kamakailan na mga teksto nakapagdududa ang paniwala na isinalin ng mga tumipon ng LXX [Septuagint] ng kyrios ang tetragrammaton na YHWH. Ang pinakamatandang LXX MSS (mga bahagi nito) na ngayo’y magagamit natin ay may tetragrammaton na isinulat sa mga karakter na Heb[reo] sa tekstong G[rieg]o. Ang kaugaliang ito ay pinapanatili ng mga huling tagapagsaling Judio ng M[atandang] T[ipan] noong mga unang siglo A.D.” Kung gayon, sa Hebreo man o sa Griego binabasa noon ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang Kasulatan, mababasa nila roon ang banal na pangalan.

Ganito ang komento ni Propesor George Howard, ng Unibersidad ng Georgia, E.U.A.: “Nang ang Septuagint na ginamit at pinagsipian ng iglesya sa Bagong Tipan ay mayroon ng anyong Hebreo ng banal na pangalan, tiyak na sa mga sinipi ng mga manunulat ng Bagong Tipan ay naroon ang Tetragrammaton.” (Biblical Archaeology Review, Marso 1978, pahina 14) Anong autoridad mayroon sila upang gumawa ng iba roon?

Ang pangalan ng Diyos ay namalagi sa mga salin sa Griego ng “Matandang Tipan” nang kaunting panahon pa. Noong unang bahagi ng ikalawang siglo C.E., ang Kasulatang Hebreo ay isinalin sa Griego ng proselitang Judio na si Aquila, at dito ang Tetragrammaton ay isinulat niya sa sinaunang mga karakter na Hebreo. Noong ikatlong siglo, si Origen ay sumulat: “At sa pinakawastong mga manuskrito ANG PANGALAN ay nakasulat sa mga karakter na Hebreo, nguni’t hindi sa kasalukuyang [mga karakter] na Hebreo, kundi sa pinakamatatanda.”

Noong ikaapat na siglo, ganito ang paunang-salita ni Jerome sa mga aklat ng Samuel at Mga Hari: “Ating makikita hanggang sa araw na ito ang pangalan ng Diyos, ang Tetragrammaton [יהוה], na nakasulat sa mga sinaunang titik sa mga ilang aklat sa Griego.

Inalis ang Pangalan

Noon, ang apostasya na inihula ni Jesus ay nagsimula na, at bagaman nasa mga manuskrito pa rin ang pangalan ay unti-unting nawawala iyon. (Mateo 13:24-30; Gawa 20:29, 30) Sa wakas, hindi man lamang nakilala iyon ng maraming mambabasa at ayon kay Jerome “mayroong mga ignorante na, dahilan sa pagkakahawig ng mga karakter, pagka kanilang nakita [ang Tetragrammaton] sa mga aklat na Griego, nahirati silang basahin iyon na ΠΙΠΙ.”

Sa mga huling kopya ng Septuagint, ang pangalan ng Diyos ay inalis at inihalili ang “Diyos” (The·os) at “Panginoon” (Kyri·os). Batid natin ito sapagka’t mayroon tayo ng sinaunang mga bahagi ng Septuagint na kung saan naroroon ang pangalan ng Diyos at ng mga huling kopya na kung saan sa mga bahagi ring iyon ng Septuagint ay inalis ang pangalan ng Diyos.

Ganito rin ang nangyari sa “Bagong Tipan,” o Kasulatang Griego Kristiyano. Sabi pa ni Propesor George Howard: “Nang alisin ang anyong Hebreo ng banal na pangalan at halinhan ng mga ibang salita sa Griego, inalis na rin ito sa mga sinipi ng Bagong Tipan sa Septuagint. . . . Hindi nagtagal at ang banal na pangalan ay nawala sa iglesyang Gentil maliban sa ipinahihiwatig niyaon sa inilagay na mga panghalili o sa natatandaan ng mga iskolar.”

Samantalang tumatanggi ang mga Judio na bigkasin ang pangalan, nagawa ng apostatang iglesyang Kristiyano na lubusang alisin iyon sa mga manuskrito sa wikang Griego ng buong Bibliya, pati rin sa mga salin sa mga ibang wika.

Kailangan ang Pangalan

Sa wakas, ang pangalan ay naisauli sa maraming salin ng Kasulatang Hebreo. Komusta naman ang Kasulatang Griego? Natalos ng mga tagapagsalin at mga estudyante ng Bibliya na kung wala ang pangalan ng Diyos, ang mga ilang bahagi ng Kasulatang Griego Kristiyano ay napakahirap na wastong maunawaan. Ang pagsasauli sa pangalan ay malaking tulong upang higit na maliwanagan at maunawaan ang bahaging ito ng kinasihang Bibliya.

Halimbawa, tungkol sa mga salita ni Pablo sa mga taga-Roma, sa Authorized Version: “Sapagka’t ang lahat ng magsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.” (Roma 10:13) Kaninong pangalan ang dapat nating tawagan upang tayo’y maligtas? Yamang malimit na tinutukoy si Jesus na “Panginoon,” at isang teksto ang nagsasabi pa: “Manampalataya ka sa Panginoong Jesu-Kristo, at maliligtas ka,” iisipin ba natin na ang tinutukoy dito ni Pablo ay si Jesus?—Gawa 16:31, Authorized Version.

Hindi. Pinatitingnan sa atin ng panggilid na reperensiya sa Roma 10:13 sa Authorized Version ang Joel 2:32 sa Kasulatang Hebreo. Kung titingnan mo iyan, makikita mong sinipi ni Pablo ang mga salita ng Joel sa kaniyang liham sa mga taga-Roma; at ang sinabi ni Joel sa orihinal na Hebreo ay: “Sinumang tatawag sa pangalan ni Jehova ay makakaligtas.” (New World Translation) Oo, ang ibig sabihin dito ni Pablo ay na dapat tayong tumawag sa pangalan ni Jehova. Samakatuwid, bagaman kailangang sumampalataya tayo kay Jesus, ang ating kaligtasan ay may malaking kaugnayan sa wastong pagpapahalaga sa pangalan ng Diyos.

Ipinakikita ng halimbawang ito kung paanong ang pag-aalis sa pangalan ng Diyos sa Kasulatang Griego ang isang dahilan ng pagkalito sa isip ng marami kung tungkol kay Jesus at kay Jehova. Oo, lubhang nakatulong ito sa pag-unlad ng doktrina ng Trinidad!

Dapat bang Isauli ang Pangalan?

May karapatan ba ang tagapagsalin na isauli ang pangalan, yamang wala ito sa umiiral na mga manuskrito? Oo, mayroon. Kinikilala ng karamihan ng mga talasalitaan sa Griego na malimit na ang salitang “Panginoon” sa Bibliya ay tumutukoy kay Jehova. Halimbawa, sa seksiyon sa ilalim ng salitang Griegong Kyri·os (“Panginoon”), ang Robinson’s A Greek and English Lexicon of the New Testament (limbag noong 1859) ay nagsasabi na ito’y nangangahulugan na “ang Diyos ang Kataastaasang Panginoon at soberano ng sansinukob, karaniwang nasa Sept[uagint] para sa Heb[reo] יהוה Jehova.” Samakatuwid, sa mga lugar na kung saan sumisipi ang mga manunulat ng Kasulatang Griego Kristiyano buhat sa mas maagang Kasulatang Hebreo, ang tagapagsalin ay may karapatan na isalin na “Jehova” ang salitang Kyri·os sa tuwing lilitaw sa orihinal na Hebreo ang banal na pangalan.

Maraming tagapagsalin ang gumawa nito. Pasimula noong ika-14 na siglo, gumawa ng maraming pagsasalin sa Hebreo ng Kasulatang Griego Kristiyano. Ano ang ginagawa ng mga tagapagsalin pagka napaharap sila sa mga sinipi sa “Matandang Tipan” na kung saan naroroon ang pangalan ng Diyos? Kadalasan, sila’y napipilitang isauli sa teksto ang pangalan ng Diyos. Maraming salin sa Hebreo ng mga bahagi ng buong Kasulatang Griego ang makikitaan ng pangalan ng Diyos.

Ang mga salin sa modernong mga wika, lalo na yaong ginamit ng mga misyonero ay sumunod sa halimbawang ito. Maraming salin ng Kasulatang Griego sa Aprikano, Asiano, Amerikano at sa mga isla sa Pasipiko ang malayang gumagamit ng pangalang Jehova, kaya’t malinaw na nakikita ng mambabasa ang pagkakaiba ng tunay na Diyos sa mga di-tunay. Naroon din ang pangalan sa mga salin sa mga wikang Europeo.

Ang isang salin na may lakas ng loob at autoridad na isauli ang pangalan ng Diyos ay ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures. Sa bersiyong ito, na kasalukuyang inilalathala sa 11 modernong mga wika, kasali na ang Ingles, ang pangalan ng Diyos ay isinauli sa tuwing ang bahagi ng Kasulatang Hebreo na mayroon nito ay sinisipi sa Kasulatang Griego. Lahat-lahat, ang pangalan ay lumilitaw na may matatag na batayan 237 beses sa saling iyan ng Kasulatang Griego.

Pagsalungat sa Pangalan

Sa kabila ng pagsisikap ng maraming tagapagsalin na isauli sa Bibliya ang pangalan ng Diyos, laging sinisikap naman ng mga relihiyoso na alisin ito. Pinamalagi ito ng mga Judio sa kanilang Bibliya, nguni’t ayaw naman nilang bigkasin. Inalis naman ito ng mga apostatang Kristiyano noong ikalawa at ikatlong siglo nang sila’y gumawa ng mga kopya ng mga manuskrito ng Bibliya sa Griego at ng mga salin ng Bibliya. Sa modernong panahon ay inalis ito ng mga tagapagsalin, kahit na kanilang ibinatay ang kanilang mga salin sa orihinal na Hebreo, na dito’y lumilitaw ito nang halos 7,000 beses. (Lumilitaw ito nang 6,973 beses sa tekstong Hebreo ng New World Translation of the Holy Scriptures, 1984 edisyon.)

Ano ba ang tingin ng Diyos sa mga umaalis ng kaniyang pangalan sa Bibliya? Kung isa kang autor, ano ang madarama mo tungkol sa sinuman na nagsumikap na alisin ang iyong pangalan sa aklat na iyong isinulat? Ang mga tagapagsalin na tutol sa pangalan, nang dahil sa mga problema sa pagbigkas o tradisyong Judio, ay maihahambing sa mga taong sinabi ni Jesus na “sinasala ang lamok nguni’t nilulunok naman ang kamelyo!” (Mateo 23:24) Sila’y natitisod sa maliliit na problemang ito nguni’t lumilikha naman sila ng malaking problema—dahil sa pag-aalis sa pangalan ng pinakadakilang persona sa sansinukob sa aklat na kaniyang kinasihan.

Ang salmista ay sumulat: “Hanggang kailan, Oh Diyos, patuloy na mang-uupasala ang kaaway? Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman.”—Awit 74:10.

[Kahon sa pahina 25]

“Ang PANGINOON”—Katumbas ng “Jehova”?

Ang pag-aalis sa natatanging personal na pangalan ng Diyos sa Bibliya at pagpapalit diyan ng isang titulo na gaya ng “Panginoon” o “Diyos” ay nagpapahina sa teksto at kulang sa maraming paraan. Halimbawa, maaaring ang resulta’y walang kabuluhang mga kombinasyon ng salita. Sa paunang salita, sinasabi ng The Jerusalem Bible: “Ang sabihing, ‘Diyos ang Panginoon’ ay tiyak na isang tautology [isang di-kinakailangan, o walang kabuluhan, na pag-ulit-ulit], di-gaya kung sasabihin na ‘si Yahweh ay Diyos.’”

Ang gayong pagpapalit ay maaaring humantong din sa asiwang mga pananalita. Sa Authorized Version, ganito ang pagkasalin ng Awit 8:9: “Oh PANGINOON na aming Panginoon, anong pagkarilag-rilag ang iyong pangalan sa buong lupa!” Anong liwanag nang ang pangalang Jehova ay isauli sa gayong teksto! Ang salin ng Young’s Literal Translation of the Holy Bible ay: “Jehova, aming Panginoon, anong pagkarangal-rangal ng Iyong pangalan sa buong lupa!”

Kalituhan ang isa pang resulta ng pag-aalis sa pangalan. Ang Awit 110:1 ay nagsasabi: “ANG PANGINOON ay nagsabi sa aking Panginoon, Maupo ka sa kanan ko, hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong paa.” (Authorized Version) Sino ba ang nakikipag-usap kanino? Anong lalong mainam ang pagkasaling: “Ang sabi ni Jehova sa aking Panginoon ay: ‘Maupo ka sa aking kanan hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.’”—New World Translation.

Isa pa, ang paghahalili ng “Panginoon” sa “Jehova” ay nag-aalis ng isang bagay na tanging mahalaga sa Bibliya: ang sariling pangalan ng Diyos. Sinasabi ng The Illustrated Bible Dictionary (Tomo 1, pahina 572): “Sa istriktong pananalita, ang Yahweh ang tanging ‘pangalan’ ng Diyos.”

Sa The Imperial Bible-Dictionary (Tomo 1, pahina 856) ay tinutukoy ang pagkakaiba ng “Diyos” (Elohim) at “Jehova,” na ang sabi: “Ang [Jehova] sa lahat ng dako ay isang pangalang pantangi, na tumutukoy sa personal na Diyos at sa kaniya lamang; samantalang ang Elohim ay higit na tumutukoy sa katangian ng isang pangalang pambalana, na ang karaniwang tinutukoy, nguni’t hindi palagi ni pare-pareho, ay ang Kataastaasan.”

Isinusog ni J. A. Motyer, principal ng Trinity College, Inglatera: “Malaki ang nawawala sa pagbabasa ng Bibliya kung ang pananaw natin ay hindi lalampas sa inihaliling salita [Panginoon o Diyos] sa personal, na pansariling pangalan ng Diyos. Sa pagsasabi sa kaniyang mga lingkod ng kaniyang pangalan, nilayon ng Diyos na isiwalat sa kanila ang kaniyang kaloob-loobang katangian.”—Eerdmans’ Handbook to the Bible, pahina 157.

Hindi, ang isang personal na pangalang pantangi ay hindi maisasalin ninuman sa isang titulo lamang. Hindi mapalilitaw ng isang titulo ang lubusang, mayaman na kahulugan ng orihinal na pangalan ng Diyos.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 26]

Ang kapirasong ito ng Septuagint (kanan) na may petsang unang siglo C.E. at taglay ang Zacarias 8:19-21 at 8:23–9:4 ay nasa Jerusalem sa Israel Museum. Taglay nito ang pangalan ng Diyos nang apat na beses, na ang tatlo’y ipinakikita rito. Sa Alexandrine Manuscript (kaliwa), isang kopya ng Septuagint na ginawa makalipas ang 400 taon, ang pangalan ng Diyos ay pinalitan sa mga talata ring iyan ng KY at KC, pinaikling anyo ng salitang Griego na Ky′ri·os (“Panginoon”)

[Kahon sa pahina 27]

Isang misyonero sa Tsina noong ika-19 na siglo, si John W. Davis, ang nagpaliwanag kung bakit siya naniniwala na dapat na nasa Bibliya ang pangalan ng Diyos: “Kung Jehova ang sinasabi ng Espiritu Santo sa ano mang naturang lugar sa Hebreo, bakit hindi Jehova ang sabihin sa Ingles o Intsik ng tagapagsalin? Ano ang karapatan niyang sabihin, Gagamitin ko ang Jehova sa lugar na ito at papalitan ko naman sa iba? . . . Kung sasabihin ninuman na may mga kasong doo’y mali ang paggamit sa Jehova, ipakita niya kung bakit; ang onus probandi [bigat ng patotoo] ay nakaatang nang malaki sa kaniya. Mahihirapan siyang patunayan iyon, sapagka’t kailangang sagutin niya ang simpleng tanong na ito,—Kung sa ano mang kaso’y maling gamitin ang Jehova sa salin kung gayo’y bakit nga ginamit iyon sa orihinal ng kinasihang manunulat?”—The Chinese Recorder and Missionary Journal, Tomo VII, Shanghai, 1876.

[Larawan sa pahina 23]

Wastong ginagamit ng New World Translation of the Christian Greek Scriptures nang 237 beses ang pangalan ng Diyos

[Mga Larawan sa pahina 24]

Ang pangalan ng Diyos sa isang simbahan sa Minorca, Espanya;

sa isang estatuwa malapit sa Paris, Pransiya;

at sa Chiesa di San Lorenzo, Parma, Italya

Ang Pangalan ng Diyos at ang mga Tagapagsalin ng Bibliya

January 5, 2012

Ang Pangalan ng Diyos at ang mga Tagapagsalin ng Bibliya

MAAGA noong ikalawang siglo, nang mamatay na ang huli sa mga apostol, nagsimula ang paghiwalay sa pananampalatayang Kristiyano na inihula ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod. Ang paganong mga pilosopya at doktrina ay sumingit sa kongregasyon; bumangon ang mga sekta at pagkakabaha-bahagi, at ang dating dalisay na pananampalataya ay nahaluan. Ang pangalan ng Diyos ay hindi na ginamit.

Samantalang lumalaganap ang apostatang pagka-Kristiyanong ito, kinailangan na ang Bibliya sa orihinal na Hebreo at Griego ay mapasalin sa mga ibang wika. Papaano ba isinalin ng mga tagapagsalin ang pangalan ng Diyos? Kadalasan, kanilang ginagamit ang katumbas ng “Panginoon.” Totoong popular noon ang Latin Vulgate, ang Bibliyang isinalin ni Jerome sa araw-araw na Latin. Sa pagsasalin, ang Tetragrammaton (YHWH) ay hinalinhan ni Jerome ng Dominus, “Panginoon.”

Sa wakas, mga bagong wika, tulad baga ng Pranses, Ingles at Kastila, ang bumangon sa Europa. Subali’t hinadlangan ng Iglesya Katolika ang pagsasalin ng Bibliya sa mga bagong wikang ito. Samantalang ang mga Judio na gumagamit ng Bibliya sa orihinal na wikang Hebreo ay tumangging bigkasin ang pangalan ng Diyos pagka nakita nila iyon, karamihan ng “Kristiyano” ay nakinig sa pagbasa sa Bibliya sa mga saling Latin na di gumagamit ng pangalan.

Dumating ang panahon na ang pangalan ng Diyos ay muli na namang ginamit. Noong 1278 ay lumitaw iyon sa Latin sa akdang Pugio fidei (Balaraw ng Pananampalataya), ni Raymundus Martini, isang mongheng Kastila. Ang ispeling na Yohoua ang ginamit ni Raymundus Martini. Pagkatapos, noong 1303, tinapos ni Porchetus de Salvaticis ang isang akda na pinamagatang Victoria Porcheti adversus impios Hebraeos (Ang Tagumpay ni Porchetus Laban sa Balakyot na mga Hebreo). Dito’y binanggit din niya ang pangalan ng Diyos, at iba’t-iba ang ispeling, Iohouah, Iohoua at Ihouah. Noong 1518, si Petrus Galatinus ay naglathala ng isang akda na pinamagatang De arcanis catholicae veritatis (Tungkol sa mga Lihim ng Pansansinukob na Katotohanan) at doo’y Iehoua ang kaniyang ispeling sa pangalan ng Diyos.

Ang pangalan ay unang lumitaw sa isang Bibliyang Ingles noong 1530, nang si William Tyndale ay maglathala ng isang salin ng unang limang aklat ng Bibliya. Dito’y kaniyang isinali ang pangalan ng Diyos, na ang karaniwang ispeling ay Iehouah, sa maraming talata, at sa isang tala sa edisyong ito sumulat siya: “Iehovah ang pangalan ng Diyos . . . Tuwing makikita mo ang PANGINOON sa malalaking titik (maliban kung nagkamali sa paglimbag) ito sa Hebreo ay Iehovah.” Ito ang pinarisan ng kaugalian na paggamit sa pangalang Jehova sa basta mga ilang talata lamang at “PANGINOON” o “DIYOS” sa karamihan ng mga lugar na katatagpuan sa Tetragrammaton sa tekstong Hebreo.

Noong 1611 ay inilathala ang Authorized Version, na naging pinakamalaganap na saling Ingles. Dito ay lumilitaw ang pangalan nang makaapat na beses sa apat na teksto. (Exodo 6:3; Awit 83:18; Isaias 12:2; 26:4) Ang “Jah,” isang maikling anyo ng pangalan, ay nasa Awit 68:4. Ang pangalan ay lumilitaw nang buo sa mga pangalan ng lugar na gaya baga ng “Jehovah-jireh.” (Genesis 22:14; Exodo 17:15; Hukom 6:24) Gayunman, sa pagtulad kay Tyndale, malimit na ang pangalan ng Diyos ay pinapalitan ng mga tagapagsalin ng “PANGINOON” o “DIYOS.” Kung ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw sa apat na talata, bakit hindi lumilitaw ito sa lahat ng iba pang libu-libong talata na kinaroroonan nito sa orihinal na Hebreo?

Ganiyan din ang nangyayari noon sa wikang Aleman. Noong 1534 ay inilathala ni Martin Luther ang kaniyang buong salin ng Bibliya, na ibinatay niya sa orihinal na mga wika. Hindi niya isinali ang pangalan ng Diyos kundi pinalitan niya ito ng mga salita na gaya ng HERR (“PANGINOON”). Datapuwa’t, may kabatiran siya sa banal na pangalan, sapagka’t sa pagsesermon niya noong 1526 tungkol sa Jeremias 23:1-8, sinabi niya: “Ang pangalang ito na Jehova, Panginoon, ay bukud-tanging taglay ng tunay na Diyos.”

Noong 1543 tahasang isinulat ni Luther: “Na sila [ang mga Judio] ay nagdadahilan ngayon na hindi maaaring bigkasin ang pangalang Jehova, ito’y nagpapakilalang hindi nila alam ang kanilang sinasabi . . . Kung yao’y naisusulat ng pluma at tinta, bakit ba iyon hindi dapat bigkasin, na lalong mainam kaysa pagkasulat ng pluma at tinta? Bakit hindi nila sinasabing iyon ay hindi maaaring isulat, basahin o pag-isipan? Kung gayon, napakasamâ ang ginawa nila.” Subali’t, sa kaniyang pagsasalin sa Bibliya ay hindi itinuwid ni Luther ang bagay na iyan. Nguni’t, nang magtagal, ang pangalan ay nasa mga ibang Bibliyang Aleman sa teksto ng Exodo 6:3.

Nang sumunod na mga siglo, ang mga tagapagsalin ng Bibliya ay lumakad sa isa sa dalawang daan. Ang iba’y umiwas sa kahit bahagyang paggamit sa pangalan ng Diyos, samantalang malayang ginamit ito ng iba sa Kasulatang Hebreo, sa anyong Jehova o sa anyong Yahweh. Pag-usapan natin ang dalawang salin na umiwas sa pangalan at tingnan kung bakit ginawa ito, ayon na rin sa mga tagapagsalin.

Kung Bakit Nila Hinalinhan

Nang si J. M. Powis Smith at Edgar J. Goodspeed ay lumikha ng isang modernong salin ng Bibliya noong 1935, nasumpungan ng mga mambabasa na sa karamihan ng lugar ay PANGINOON at DIYOS ang inihalili sa pangalan ng Diyos. Ipinaliwanag ito sa paunang-salita: “Sa saling ito ay sinunod namin ang tradisyon ng mga sinaunang Judio at ang pangalang ‘Yahweh’ ay hinalinhan ng ‘ang Panginoon’ at ‘ang Panginoong Yahweh’ ay hinalinhan ng ‘ang Panginoong Diyos.’ Sa lahat ng kaso na kung saan ang orihinal na ‘Yahweh’ ay hinalinhan ng ‘Panginoon’ o ‘Diyos,’ maliliit na letrang kapital ang ginagamit.”

Pagkatapos, kabaligtaran ng tradisyon ng mga Judio na ang basa ay YHWH nguni’t “Panginoon” ang bigkas roon, ang paunang salita ay nagsasabi: “Sinuman, samakatuwid, na ibig mapanatili ang pinaka-linamnam ng orihinal na teksto, kailanma’t makikita niya ang PANGINOON o DIYOS ay kailangang basahin iyon ng ‘Yahweh’”!

Sa pagkabasa nito, sumasa-isip agad ang tanong na: Kung sa pagbasa ng “Yahweh” sa halip na “PANGINOON” ay napananatili ang “pinaka-linamnam ng orihinal na teksto,” bakit hindi ginamit ng mga tagapagsalin ang “Yahweh” sa kanilang salin? Bakit ‘inihalili’ nila ang salitang “PANGINOON” sa pangalan ng Diyos at sa gayo’y tinakpan ang pinaka-linamnam ng orihinal na teksto?

Ang sabi ng mga tagapagsalin ay sinusunod daw nila ang tradisyon ng mga sinaunang Judio. Matalino ba iyan para sa isang Kristiyano? Tandaan, ang mga Fariseo, ang mga tagapag-ingat ng tradisyon ng mga sinaunang Judio, ang tumanggi kay Jesus at sinabihan niya: “Niwalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos dahilan sa inyong tradisyon.” (Mateo 15:6) Pinahihina ang Salita ng Diyos ng gayong paghahalili.

Noong 1952 ang Revised Standard Version ng Kasulatang Hebreo ay inilathala sa Ingles, at sa Bibliyang ito ay hinalinhan din ang pangalan ng Diyos. Ito’y kapuna-puna sapagka’t sa orihinal na American Standard Version, na dito ibinatay ang rebisadong salin, ang pangalang Jehova ay ginagamit sa buong Kasulatang Hebreo. Kaya, ang pag-aalis sa pangalan ay kapuna-puna. Bakit ginawa iyon?

Sa paunang-salita sa Revised Standard Version, ating mababasa: “Dalawa ang dahilan ng Komite sa pagbabalik sa lalong pamilyar na gamit ng King James Version [ang pag-aalis sa pangalan ng Diyos]: (1) ang salitang ‘Jehova’ ay hindi wastong kumakatawan sa ano mang anyo ng Pangalan na ginagamit sa Hebreo; at (2) ang paggamit ng pantanging pangalan para sa kaisa-isa at tanging Diyos, na para bang mayroong mga iba pang diyos, ay inihinto sa Judaismo bago ng panahong Kristiyano at talagang hindi angkop sa pansansinukob na pananampalataya ng Iglesya Kristiyana.”

Ito ba’y makatuwiran? Binanggit na sa una pa na ang pangalang Jesus ay hindi wastong kumakatawan sa orihinal na anyo ng pangalan ng Anak ng Diyos na ginagamit ng kaniyang mga tagasunod. Subali’t ito’y hindi nagtulak sa Komite upang huwag gamitin ang pangalang iyan at ang gamitin sa halip ay isang titulo na gaya baga ng “Tagapamagitan” o “Kristo.” Totoo, ginagamit ang mga titulong ito, nguni’t bilang karagdagan sa pangalang Jesus, hindi panghalili roon.

Sa argumento na walang ibang mga diyos maliban sa tunay na Diyos, hindi iyan totoo. Mayroong angaw-angaw na mga diyos na sinasamba ang mga tao. Sinabi ni apostol Pablo: “May maraming ‘mga diyos.’” (1 Corinto 8:5; Filipos 3:19) May iisa lamang tunay na Diyos, gaya ng sinasabi pa ni Pablo. Kaya, ang isang malaking bentaha sa paggamit sa pangalan ng tunay na Diyos ay na ibinubukod siya nito sa lahat ng huwad na mga diyos. Kung ang paggamit sa pangalan ng Diyos ay “talagang hindi angkop,” bakit lumilitaw ito nang halos 7,000 beses sa orihinal na Kasulatang Hebreo?

Maraming tagapagsalin ang naniniwala na ang pangalan, na may modernong bigkas, ay may wastong dako sa Bibliya. Kanilang isinali ito sa kanilang mga bersiyon, at ang resulta’y isang salin na nagbibigay ng higit na karangalan sa Autor ng Bibliya at mas malapit sa orihinal na teksto. Ang ilang malaganap na mga bersiyong katatagpuan ng pangalan ay ang saling Valera (Kastila, lathala noong 1602), ang bersiyong Almeida (Portuges, lathala noong 1681), ang orihinal na bersiyong Elberfelder (Aleman, lathala noong 1871), pati ang American Standard Version (Ingles, lathala noong 1901). Ang mga ilang salin, lalo na ang The Jerusalem Bible, ay magkakatugma rin sa paggamit sa pangalan ng Diyos nguni’t ang ispeling ay Yahweh.

Basahin ngayon ang komento ng mga ilang tagapagsalin na sa kanilang salin ay isinali ang pangalan at ihambing ang kanilang pangangatuwiran sa mga nag-alis naman ng pangalan.

Kung Bakit Isinali ng mga Iba ang Pangalan

Ganito ang komento ng mga tagapagsalin ng American Standard Version ng 1901: “[Ang mga tagapagsalin] ay nagkakaisang naniniwala na ang isang pamahiing Judio, na nagtuturing na napakasagrado ang Banal na Pangalan upang bigkasin, ay hindi na dapat mangibabaw sa Ingles o sa ano mang ibang bersiyon ng Matandang Tipan . . . Ang Alaalang Pangalang ito, na ipinaliliwanag sa Ex. iii. 14, 15, at idiniriin nang paulit-ulit sa orihinal na teksto ng Matandang Tipan, ay nagpapakilala sa Diyos bilang ang personal na Diyos, ang nakikipagtipang Diyos, ang Diyos na nagsisiwalat, ang Manunubos, ang Kaibigan ng kaniyang bayan . . . Ang personal na pangalang ito, na sagana sa banal na kaugnayan, ay isinasauli na ngayon sa sagradong teksto sa dako na talagang kinauukulan nito.”

Sa paunang-salita ng orihinal na Alemang Elberfelder Bibel ating mababasa: “Jehova. Aming pinanatili ang pangalang ito ng Nakikipagtipang Diyos ng Israel sapagka’t ang mambabasa ay nabihasa na rito sa loob ng maraming taon.”

Si Steven T. Byington, tagapagsalin ng The Bible in Living English, ay ganito ang paliwanag sa kung bakit ginamit niya ang pangalan ng Diyos: “Ang ispeling at ang bigkas ay hindi lubhang mahalaga. Ang lubhang mahalaga ay ang maliwanagan na ito’y isang personal na pangalan. Mayroong mga teksto na hindi wastong mauunawaan kung ang pangalang ito ay isasalin natin sa karaniwang pangngalan na gaya ng ‘Panginoon,’ o, lalong masama, sa isang pangngalang pang-uri [halimbawa, ang Walang-Hanggan].”

Ang tungkol sa isa pang salin, yaong kay J. B. Rotherham ay interesante. Kaniyang ginamit ang pangalan ng Diyos sa kaniyang salin nguni’t yaong anyong Yahweh. Datapuwa’t, sa kaniyang Studies in the Psalms, na lathala noong 1911, siya’y bumalik sa anyong Jehova. Bakit? Ipinaliwanag niya: “JEHOVAH.—Ang paggamit sa anyong Ingles ng Alaalang pangalan (Exo. 3:18) sa kasalukuyang bersiyon ng Mga Awit ay hindi dahil sa ano mang alinlangan na ang lalong tamang bigkas ay Yahwéh; kundi tanging sa praktikal na ebidensiyang personal na pinili tungkol sa hangarin na makipag-ugnayan sa pangmadlang pandinig at paningin sa ganitong uri ng bagay, na kung saan ang pangunahin ay ang madaling pagkakilala sa dapat makilalang Banal na pangalan.”

Sa Awit 34:3 ang mga sumasamba kay Jehova ay tinatawagan: “Oh dakilain ninyo si Jehova kasama ko, kayong mga tao, at sama-sama tayong magbunyi ng kaniyang pangalan.” Paanong ang mga mambabasa ng mga salin ng Bibliya na nag-alis sa pangalan ng Diyos ay makatutugong lubusan sa panawagang iyan? Ikinalulugod ng mga Kristiyano na mayroong ilang tagapagsalin na may lakas ng loob na isali ang pangalan ng Diyos sa kanilang isinaling Hebreong Kasulatan, at kanilang napananatili ang tinatawag ni Smith at Goodspeed na “pinaka-linamnam ng orihinal na teksto.”

Kahit na pinapanatili ng karamihan ng tagapagsalin ang pangalan ng Diyos sa Kasulatang Hebreo, kanilang inalis iyon sa Kasulatang Griego Kristiyano, ang “Bagong Tipan.” Bakit? May katuwiran bang mapalagay sa huling bahaging ito ng Bibliya ang pangalan ng Diyos?

[Mga Talababa]

Subali’t, sa mga limbag ng akdang ito makalipas ang mga ilang siglo ay Jehova ang ispeling ng banal na pangalan.

Genesis 15:2; Exodo 6:3; 15:3; 17:16; 23:17; 33:19; 34:23; Deuteronomio 3:24. Ang pangalan ng Diyos ay isinali rin ni Tyndale sa Ezekiel 18:23 at 36:23, sa kaniyang mga salin na idinagdag sa dulo ng The New Testament, Antwerp, 1534.

[Blurb sa pahina 17]

Sa apat na talata lamang pinanatili ng mga tagapagsalin ng Authorized Version ang pangalan ng Diyos, na Jehova, at DIYOS at PANGINOON ang inihalili rito sa lahat ng iba pang mga talata

[Blurb sa pahina 22]

Kung ang paggamit sa pangalan ng Diyos ay “talagang hindi angkop,” bakit lumilitaw ito nang halos 7,000 beses sa orihinal na tekstong Hebreo?

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 21]

Pagkapoot sa Pangalan ng Diyos?

Sa ngayon, walang salin ang Bibliya sa wikang Afrikaans (wika ng mga Timog Aprikano na may mga ninunong Olandes) na may pangalan ng Diyos. Kataka-taka ito, sapagka’t maraming salin sa mga wika ng tribo sa bansang iyan ang malayang gumagamit sa pangalan. Tingnan natin kung paano ito nangyari.

Noong Agosto 24, 1878, sa pulong ng Samahan ng mga Tunay na Aprikano (G.R.A.) ay hiniling na isalin ang Bibliya sa wikang Afrikaans. Makalipas ang anim na taon ay muling iniharap ang kahilingan, at noon ay inaprubahan na isalin buhat sa orihinal na mga wika ang Bibliya. Ang gawaing ito ay ipinagkatiwala kay S. J. du Toit, Superintindente ng Edukasyon sa Transvaal.

Sa tagubilin kay du Toit ay kasali ito: “Ang pantanging pangalan ng Panginoon, na Jehova o Jahvê, ay pabayaang ganoon at huwag isasalin [huwag hahalinhan ng Panginoon o Diyos] saanman.” Si S. J. du Toit ay nagsalin ng pitong aklat ng Bibliya sa Afrikaans, at saanman ay makikita roon ang pangalang Jehova.

Dati, sa mga ibang lathalain sa Timog Aprika ay makikita rin ang pangalan ng Diyos. Halimbawa, sa De Korte Catechismus (Ang Maikling Katesismo), ni J. A. Malherbe, 1914, ay sinasabi: “Ano ba ang kataastaasang Pangalan ng Diyos?” Ang sagot? “Jehova, na sa mga ating mga Bibliya ay isinulat na PANGINOON sa malalaking titik. Ito [ang pangalan] ay hindi kailanman ibinigay sa kanino mang nilalang.”

Sa Die Katkisasieboek (isang katesismo na lathala ng Federated Sunday School Commission of the Dutch Reformed Church sa Timog Aprika) ganito ang tanong: “Hindi na ba natin magagamit ang pangalang Jehova o PANGINOON? Iyan ang ginagawa ng mga Judio . . . Hindi iyan ang kahulugan ng utos. . . . Maaari nating gamitin ang kaniyang Pangalan, nguni’t hindi sa walang kabuluhan.” Kamakailan, sa mga kopya ng Die Halleluja (isang himnaryo) ay makikita rin ang pangalang Jehova sa mga ilang himno.

Subali’t, ang salin ni du Toit ay hindi popular, at noong 1916 humirang ng isang Komisyon para sa Pagsasalin ng Bibliya para mangasiwa sa pagyari ng isang Bibliyang Afrikaans. Naging patakaran ng Komisyong ito ang alisin sa Bibliya ang pangalan ni Jehova. Noong 1971 ang Bible Society of South Africa ay naglathala ng isang “pansamantalang salin” ng mga ilang aklat ng Bibliya sa Afrikaans. Bagaman ang pangalan ng Diyos ay binanggit sa introduksiyon, iyon ay hindi ginamit sa teksto ng salin. Noong 1979 may isang bagong salin ng “Bagong Tipan” at ng Mga Awit nguni’t inalis din doon ang pangalan ng Diyos.

Sapol noong 1970 ang pangalang Jehova ay inalis din sa Die Halleluja. At sa ikaanim na limbag ng rebisadong edisyon ng Die Katkisasieboek, na lathala ng Dutch Reformed Church sa Timog Aprika, ay inalis na rin ngayon ang pangalan.

Hindi lamang sa mga aklat sinisikap alisin ang pangalang Jehova. Isang simbahan ng Dutch Reformed Church sa Paarl ang dati’y may nakaukit sa batong-panulok na mga salitang JEHOVA JIREH (“Si Jehova ay Maglalaan”). Isang larawan ng simbahang ito at ng batong-panulok ang napalathala sa labas noong Oktubre 22, 1974 ng magasing Gumising! sa wikang Afrikaans. Ngayon, ang batong-panulok ay hinalinhan na ng iba na may pananalitang DIE HERE SAL VOORSIEN (“Ang PANGINOON ay Maglalaan”). Ang sinitas na teksto at ang petsa ay hindi binago, nguni’t inalis ang pangalang Jehova.

Kaya, maraming Aprikano ngayon ang hindi nakakakilala sa pangalan ng Diyos. Ang mga nakakaalam naman na kasapi sa relihiyon ay umiiwas sa paggamit nito. May mga tumututol din, at sinasabing ang pangalan ng Diyos ay PANGINOON at sinasabing inimbento lamang ng mga Saksi ni Jehova ang pangalang Jehova.

[Mga Larawan]

Isang simbahan ng Dutch Reformed Church sa Paarl, Timog Aprika. Dati, ang pangalang Jehova ay nakaukit sa batong-panulok (kanan sa itaas). Pagtatagal, ito’y hinalinhan (kaliwa sa itaas)

[Larawan sa pahina 18]

Ang pangalan ng Diyos sa anyong Yohoua ay lumitaw noong 1278 sa akdang Pugio fidei na makikita sa manuskritong ito (petsa ay ika-13 o ika-14 na siglo) na nasa Ste. Geneviève library, Paris, Pransiya (folio 162b)

[Larawan sa pahina 19]

Sa kaniyang salin ng unang limang aklat ng Bibliya, na inilathala noong 1530, ang pangalan ng Diyos ay pinanatili ni William Tyndale sa Exodo 6:3. Sa isang tala sa salin ay ipinaliwanag ang kaniyang paggamit sa pangalan

[Credit Line]

(Ang larawan ay sa kagandahang-loob ng American Bible Society Library, New York)

 

Ang mga Kristiyano at ang Pangalan

January 5, 2012

Ang mga Kristiyano at ang Pangalan

WALANG makapagsasabi nang tiyakan kung kailan huminto ang mga sinaunang Judio nang pagbigkas na malakas sa pangalan ng Diyos at hinalinhan nila iyon ng mga salitang Hebreo para sa Diyos at Soberanong Panginoon. May mga naniniwala na bago pa ng panahon ni Jesus ay hindi na ginagamit sa araw-araw ang pangalan ng Diyos. Nguni’t may matibay na patotoo na ang mataas na saserdote ay patuloy na bumibigkas niyaon sa mga serbisyong relihiyoso sa templo—lalo na kung araw ng Pagtubos—hanggang sa pagkawasak ng templo noong 70 C.E. Samakatuwid, nang narito sa lupa si Jesus, alam pa ang bigkas ng pangalan, bagaman marahil ay hindi malaganap na ginagamit iyon.

Bakit huminto ang mga Judio ng pagbigkas sa pangalan ng Diyos? Marahil, ang isang dahilan ay ang maling pagkakapit ng mga salita ng ikatlong utos: “Huwag mong babanggitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos.” (Exodo 20:7) Hindi naman ibinabawal ng utos na ito ang paggamit sa pangalan ng Diyos. Sapagka’t kung hindi, bakit ang mga sinaunang lingkod ng Diyos na gaya ni David ay buong laya na gumamit niyaon at kinamit pa rin nila ang pagpapala ni Jehova? At bakit binigkas iyon ng Diyos kay Moises at sinabi sa kaniya na ipaliwanag sa mga Israelita kung sino ang nagsugo sa kaniya?—Awit 18:1-3, 6, 13; Exodo 6:2-8.

Subali’t, noong panahon ni Jesus usung-uso ang hilig na ang makatuwirang mga utos ng Diyos ay bigyan ng di-makatuwirang pagpapakahulugan. Halimbawa, ang mga Judio ay inuubligahan ng ikaapat ng Sampung Utos na ipangilin ang ikapitong araw ng bawa’t sanlinggo bilang araw ng kapahingahan, isang Sabbath. (Exodo 20:8-11) Pinahaba ng mga sinaunang Judio ang utos na iyan, anupa’t pagkarami-rami nilang mga alituntunin na sumasaklaw sa kaliit-liitang dapat gawin at di-dapat gawin kung Sabbath. Marahil taglay nila ang ganiyan ding espiritu nang ang isang makatuwirang utos, na huwag lalapastanganin ang pangalan ng Diyos, ay sundin nila nang may pagkapanatiko, na sinasabing ang pangalang iyon ay di man lamang dapat bigkasin.

Si Jesus at ang Pangalan

Sinunod kaya ni Jesus ang gayong tradisyon na di-maka-Kasulatan? Hindi! Siya’y gumawa ng pagpapagaling kung Sabbath, kahit ito’y isang paglabag sa gawang-taong mga alituntunin ng mga Judio at nagsapanganib ng kaniyang buhay. (Mateo 12:9-14) Hinatulan pa nga ni Jesus ang mga Fariseo bilang mga mapagpaimbabaw sapagka’t dahil sa kanilang sali’t-saling-sabi ay niwalang-kabuluhan nila ang Salita ng Diyos. (Mateo 15:1-9) Kung gayon, malamang na hindi siya umiwas sa pagbigkas sa pangalan ng Diyos, lalo na yamang ang kaniyang sariling pangalan, na Jesus, ay nangangahulugang “si Jehova ay Kaligtasan.”

Minsan, nang nasa sinagoga ay tumayo si Jesus at bumasa ng isang bahagi ng balumbon ng Isaias. Ang binasa niya ay Isaias 61:1, 2, na kung saan kung ilang ulit lumilitaw ang pangalan ng Diyos. (Lucas 4:16-21) Tatanggi kaya siyang bigkasin doon ang banal na pangalan, at ang ihahalili roo’y “Panginoon” o “Diyos”? Talagang hindi. Kung gayon ay tutularan niya ang mga lider relihiyosong Judio. Bagkus, mababasa natin: “Kaniyang tinuturuan sila na gaya ng isang taong may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.”—Mateo 7:29.

Gaya ng binanggit na, tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin sa Diyos: “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Nang gabi bago siya namatay, nanalangin siya sa kaniyang Ama: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan . . . Amang Banal, ingatan mo alang-alang sa iyong sariling pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin.”—Juan 17:6, 11.

Tungkol sa mga pagtukoy na ito ni Jesus sa pangalan ng Diyos, ang aklat na Der Name Gottes (Ang Pangalan ng Diyos) ay nagpapaliwanag, sa pahina 76: “Unawain natin na ang tradisyonal na pagkaunawa sa Matandang Tipan ng pagsisiwalat ng Diyos ay na pagsisiwalat ito ng kaniyang pangalan at na patu-patuloy iyon hanggang sa mga huling bahagi ng Matandang Tipan, oo, nagpapatuloy hangga pa sa mga huling bahagi ng Bagong Tipan, na kung saan, halimbawa, mababasa natin sa Juan 17:6: ‘Ipinahayag ko ang iyong pangalan.’”

Oo, di-makatuwirang isipin na si Jesus ay umiwas ng paggamit sa pangalan ng Diyos, lalo na nang sumipi siya sa mga bahagi ng Kasulatang Hebreo na mayroon niyaon.

Ang mga Sinaunang Kristiyano

Ginamit ba ng mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo ang pangalan ng Diyos? Sila’y inutusan ni Jesus na gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa. (Mateo 28:19, 20) Marami sa gayong mga tao ang hindi nakakakilala sa Diyos na nagpakilala ng kaniyang sarili sa mga Judio sa pangalang Jehova. Paano maipakikilala sa kanila ng mga Kristiyano ang tunay na Diyos? Sapat na ba na tawagin siyang Diyos o Panginoon? Hindi. Ang mga bansa ay may kani-kaniyang mga diyos at mga panginoon. (1 Corinto 8:5) Papaano maipakikilala ng mga Kristiyano ang pagkakaiba ng tunay na Diyos at ng mga di-tunay? Tanging sa paggamit sa pangalan ng tunay na Diyos.

Sa pagpupulong sa Jerusalem ng matatanda sinabi ng alagad na si Santiago: “Isinaysay na lubusan ni Simeon kung paano noon unang pagkakataon na ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan. At dito’y nasasang-ayon ang mga salita ng mga Propeta.” (Gawa 15:14, 15) Si apostol Pedro, sa kaniyang bantog na pahayag noong Pentecostes, ay bumanggit ng isang mahalagang bahagi ng mensahe sa mga Kristiyano nang sipiin niya ang sinabi ni propeta Joel: “Sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”—Joel 2:32; Gawa 2:21.

Bahagya ma’y walang duda si Pablo sa kahalagahan sa kaniya ng pangalan ng Diyos. Sa liham niya sa mga taga-Roma, kaniyang sinipi ang sinabi ring iyan ni propeta Joel at hinimok niya ang mga kapuwa Kristiyano na sumampalataya sa pangungusap na iyan sa pamamagitan ng pangangaral sa iba ng pangalan ng Diyos upang sila man ay mangaligtas. (Roma 10:13-15) Kay Timoteo ay sumulat siya: “Lumayo sa kalikuan ang sinumang sumasambit sa pangalan ni Jehova.” (2 Timoteo 2:19) Nang dulo ng unang siglo, sa kaniyang mga isinulat ay ginamit ni apostol Juan ang banal na pangalan. Ang “Hallelujah,” ibig sabihin “Purihin si Jah,” ay paulit-ulit na lumilitaw sa aklat ng Apocalipsis.—Apocalipsis 19:1, 3, 4, 6.

Si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod ay humula na magkakaroon ng mga apostata sa kongregasyong Kristiyano. Isinulat ni apostol Pedro: “Magkakaroon din sa gitna ninyo ng mga bulaang guro.” (2 Pedro 2:1; tingnan din ang Mateo 13:36-43; Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:3; 1 Juan 2:18, 19.) Natupad ang mga babalang ito. Ang isang resulta’y napatabi ang pangalan ng Diyos. Inalis pa nga iyon sa mga kopya at mga salin ng Bibliya! Tingnan natin kung paano nangyari iyon.

 

[Talababa]

Mayroon pa raw isang dahilan: Baka ang mga Judio ay naimpluwensiyahan ng pilosopyang Griego. Halimbawa, si Philo, isang pilosopong Judio ng Alexandria na halos kapanahon ni Jesus, ay lubhang naimpluwensiyahan ng pilosopong Griego na si Plato, na ang akala niya’y kinasihan ng Diyos. Ang Lexikon des Judentums (Talasalitaan ng Judaismo), sa ilalim ng “Philo,” ay nagsasabi na si Philo ang “tagapagkaisa ng wika at mga idea ng Griegong pilosopya (Plato) at ng isiniwalat na pananampalataya sa mga Judio” at siya ay “nagkaroon ng epekto sa mga Kristiyanong ama ng simbahan.” Itinuro ni Philo na ang Diyos ay hindi maaaring ipaliwanag at, kung gayon, walang pangalan.

[Larawan sa pahina 14]

Ang larawang ito ng isang mataas na saserdoteng Judio, na sa kaniyang putong sa ulo’y may pananalitang Hebreo na ibig sabihin “Kabanalan kay Jehova,” ay matatagpuan sa Vaticano

[Larawan sa pahina 15]

Gaya ng ipinakikita ng saling ito ng Bibliya sa Aleman noong 1805, nang si Jesus ay bumasa sa sinagoga buhat sa balumbon ni Isaias, kaniyang binigkas nang malakas ang pangalan ng Diyos.—Lucas 4:18, 19

[Mga Larawan sa pahina 16]

Ginamit ni Pedro at ni Pablo ang pangalan ng Diyos nang sila’y sumipi buhat sa hula ni Joel.—Gawa 2:21; Roma 10:13

Ang Banal na Pangalan Noong Nakalipas na mga Panahon

January 5, 2012

Ang Banal na Pangalan Noong Nakalipas na mga Panahon

IBIG ng Diyos na Jehova na makilala at gamitin ng tao ang kaniyang pangalan. Pinatutunayan ito ng bagay na isiniwalat Niya ang Kaniyang pangalan sa unang dalawang tao sa lupa. Batid natin na kilala ni Adan at ni Eva ang pangalan ng Diyos sapagka’t matapos ipanganak ni Eva si Cain, ayon sa orihinal na tekstong Hebreo, sinabi niya: “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ni Jehova.”—Genesis 4:1.

Mababasa natin na ang mga tapat na tao na sina Enoc at Noe ay “lumakad na kaalinsabay ng tunay na Diyos.” (Genesis 5:24; 6:9) Sila man, kung gayon, ay nakakaalam ng pangalan ng Diyos. Ang pangalan ay nakatawid sa Baha gaya rin ng matuwid na si Noe at ng kaniyang sambahayan. Sa kabila ng malaking rebelyon na naganap sa Babel makalipas ang kaunting panahon, patuloy na ginamit ng mga tunay na lingkod ng Diyos ang kaniyang pangalan. Lumilitaw ito nang daan-daang beses sa mga batas na ibinigay ng Diyos sa Israel. Sa aklat ng Deuteronomio lamang ay lumilitaw ito nang 551 beses.

Noong panahon ng mga hukom, maliwanag na ang mga Israelita ay hindi umiwas sa paggamit sa pangalan ng Diyos. Ginamit pa nila ito sa pagbabatian. Mababasa natin (sa orihinal na Hebreo) ang pagbati ni Boaz sa kaniyang mga mang-aani: “Suma-inyo nawa si Jehova.” Ang sagot naman nila: “Pagpalain ka nawa ni Jehova.”—Ruth 2:4.

Sa buong kasaysayan ng mga Israelita hanggang sa magbalik sila sa Juda pagkatapos ng pagkabihag nila sa Babilonya, ang pangalan ni Jehova ay patuloy na ginamit nila. Ang banal na pangalan ay ginamit nang malimit ni Haring David, isang taong nakalugod sa puso ng Diyos—daan-daang beses na lumilitaw ito sa mga awit na kaniyang isinulat. (Gawa 13:22) Ang pangalan ng Diyos ay ginawang bahagi rin ng maraming pangalan ng mga Israelita. May mababasa tayo na Adonijah (“Ang Panginoon ko’y si Jah”—ang “Jah” ay isang pinaikling anyo ng Jehova), Isaias (“Pagliligtas ni Jehova”), Jonathan (“Nagbigay si Jehova”), Mikas (“Sino ang Gaya ni Jah?”) at Josue (“Si Jehova ay Kaligtasan”).

Bukod sa Bibliya

Bukod sa Bibliya ay may ebidensiya rin buhat sa iba tungkol sa malaganap na paggamit sa banal na pangalan noong sinaunang panahon. Noong 1961 isang sinaunang yungib na libingan ang natuklasan bahagya lamang ang layo sa timog-kanluran ng Jerusalem, ayon sa isang report sa Israel Exploration Journal (Tomo 13, No. 2). Sa mga pader ay may mga sulat Hebreo na ang lumalabas na petsa’y mula noong ikalawang bahagi ng ikawalong siglo B.C.E. Ang sulat ay nagsasabing “Si Jehova ang Diyos ng buong lupa.”

Noong 1966 isang report ang napalathala sa Israel Exploration Journal (Tomo 16, No. 1) tungkol sa mga bibinga ng palayok na may mga sulat Hebreo at natagpuan sa Arad, sa timugang Israel. Ito’y isinulat noong ikalawang bahagi ng ikapitong siglo B.C.E. Isa ang pribadong liham sa nagngangalang Eliashib. Ganito ang simula ng liham: “Sa aking panginoong Eliashib: Harinawang hilingin ni Jehova ang iyong kapayapaan.” At nagtatapos: “Siya’y tumatahan sa bahay ni Jehova.”

Noong 1975 at 1976, ang mga arkeologong gumagawa sa Negeb ay nakahukay ng mga dingding na plaster na may mga sulat Hebreo at Fenician, malalaking tapayan na imbakan at mga sisidlang bato. Kasali sa mga nakasulat ang salitang Hebreo para sa Diyos, at ang pangalan ng Diyos, YHWH, sa mga letrang Hebreo. Sa Jerusalem ay nakatuklas kamakailan ng isang maliit na balumbon na pilak, ang petsa’y maliwanag na bago ng pagkabihag sa Babilonya. Nang ito’y ikadkad ay natagpuang nakasulat daw doon ang pangalang Jehova sa Hebreo, ayon sa mga mananaliksik.—Biblical Archaeology Review, Marso/Abril 1983, pahina 18.

Sa Lachish Letters, kung tawagin, ay ginagamit ang pangalan ng Diyos. Ang mga ito’y nakasulat sa mga bibinga ng palayok at natagpuan noong 1935 at 1938 sa mga guho ng Lachish, isang nakukutaang lunsod na napatanyag sa kasaysayan ng Israel. Lumilitaw na mga liham ito na isinulat ng isang opisyal sa isang himpilang Judeano sa kaniyang superyor, na nagngangalang Yaosh, sa Lachish, noong nagdidigmaan ang Israel at Babilonya nang may dulo ng ikapitong siglo B.C.E.

Sa walong piraso na may mga sulat na nababasa, pito ang nagsisimula ng kanilang mensahe ng pagbati ng: “Harinawang pangyarihin ni Jehova na isapit ng panahong ito ang panginoon ko na nasa mainam na kalusugan!” Lahat-lahat, ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw nang 11 beses sa pitong mensahe, pinatutunayan na ang pangalan ni Jehova ay ginagamit araw-araw noong may dulo ng ikapitong siglo B.C.E.

Kahit ang mga haring pagano ay nakakaalam sa banal na pangalan at ginagamit nila ito pagka tinutukoy nila ang Diyos ng mga Israelita. Sa Moabite Stone, ipinangangalandakan ni Haring Mesha ng Moab ang tagumpay ng kaniyang hukbo laban sa Israel at ang sabi niya: “Sinabi sa akin ni Chemosh, ‘Humayo ka, kunin mo ang Nebo sa Israel!’ Kaya humayo ako sa gabi at nakipagbaka roon mula sa bukang-liwayway hanggang tanghali, nakuha ko iyon at pinuksa ang lahat doon . . . At buhat doon ay kinuha ko ang [mga sisidlan] ni Jehova, kinaladkad ko sa harap ni Chemosh.”

May kaugnayan sa di-Biblikal na paggamit na ito ng pangalan ng Diyos, ang Theologisches Wörterbuch zum Alten Testament (Theological Dictionary of the Old Testament), sa Tomo 3, kolumna 538, ay nagsasabi: “Mga 19 na dokumentadong ebidensiya ng Tetragrammaton sa anyong jhwh ang nagpapatunay sa bagay na ito ng pagkamapanghahawakan ng M[asoretic] T[ext]; higit pa ang maaasahan, higit sa lahat sa Arad-Archives.”—Isinalin buhat sa Aleman.

Hindi Nakakalimutan ang Pangalan ng Diyos

Ang ganitong pagkaalam at paggamit sa pangalan ng Diyos ay nagpatuloy hanggang noong mga araw ni Malakias, na nabuhay mga 400 taon bago ng panahon ni Jesus. Sa aklat ng Bibliya na may pangalan niya, itinanyag na mabuti ni Malakias ang banal na pangalan, ginamit iyon nang 48 beses.

Sa paglakad ng panahon, maraming mga Judio ang nanirahan malayo sa lupain ng Israel, at ang iba’y hindi na bumabasa ng Bibliya sa wikang Hebreo. Sa gayon, noong ikatlong siglo B.C.E., sinimulan na isalin sa Griego, na bagong wikang pandaigdig, ang bahagi ng Bibliya na umiiral noon (ang “Matandang Tipan”). Subali’t hindi pinabayaan ang pangalan ng Diyos. Ito’y hindi inalis ng mga tagapagsalin, isinulat ito sa anyong Hebreo. Ang nagpapatunay ay ang mga sinaunang kopya ng Griegong Septuagint na naingatan hanggang ngayon.

Ano naman ang kalagayan nang narito sa lupa si Jesus? Paano natin malalaman kung ang pangalan ng Diyos ay ginamit niya at ng kaniyang mga apostol?

[Larawan sa pahina 12]

Sa liham na ito, na isinulat sa bibinga ng palayok noong ikalawang bahagi ng ikapitong siglo B.C.E., makalawang lumilitaw ang pangalan ng Diyos.

[Credit Line]

(Ang larawan ay sa kagandahang-loob ng Israel Department of Antiquities and Museums)

[Mga Larawan sa pahina 13]

Ang pangalan ng Diyos ay naroon din sa Lachish Letters at sa Moabite Stone

Ang Pangalan ng Diyos—Kahulugan at Bigkas

January 5, 2012

Ang Pangalan ng Diyos—Kahulugan at Bigkas

ISA sa mga manunulat ng Bibliya ang nagtanong: “Sino ba ang pumisan ng hangin sa kaniyang mga kamay? Sino ang bumalot ng tubig sa kaniyang kasuotan? Sino ang nagpaangat sa lahat ng mga dulo ng lupa? Ano ba ang kaniyang pangalan at ano ang pangalan ng kaniyang anak, kung alam mo?” (Kawikaan 30:4) Paano natin malalaman ang pangalan ng Diyos? Mahalagang tanong iyan. Ang paglalang ay mariing patotoo na umiiral ang Diyos, nguni’t dito’y hindi natin malalaman ang kaniyang pangalan. (Roma 1:20) Oo, hindi natin malalaman ang pangalan ng Diyos maliban na sabihin sa atin ng Maylikha mismo. At ito’y sinasabi niya sa atin sa kaniyang sariling Aklat, ang Banal na Bibliya.

Minsan, binigkas ng Diyos ang kaniyang sariling pangalan, at inulit-ulit sa pandinig ni Moises. Isinulat ni Moises ang tungkol sa pangyayaring iyon at iningatan sa Bibliya hanggang sa araw na ito. (Exodo 34:5) Ang kaniyang pangalan ay isinulat pa man din ng Diyos ng sarili niyang “daliri.” Nang ibinigay niya kay Moises ang tinatawag natin ngayon na Sampung Utos, makahimalang isinulat pa iyon ng Diyos. Sinasabi ng ulat: “Ngayon pagkatapos na makipag-usap sa kaniya [ang Diyos] sa Bundok Sinai kaniyang binigyan si Moises ng dalawang tapyas ng Patotoo, mga tapyas ng bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.” (Exodo 31:18) Ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw nang walong beses sa orihinal na Sampung Utos. (Exodo 20:1-17) Ganiyan isiniwalat ng Diyos sa tao ang kaniyang pangalan kapuwa nang berbalan at sa sulat. Ano ba ang pangalang iyon?

Sa wikang Hebreo ay nakasulat iyon na יהוה. Ang apat na letrang ito, tinatawag na Tetragrammaton, ay binabasa mula sa kanan pakaliwa sa Hebreo at ang katumbas sa maraming modernong wika ay YHWH o JHVH. Ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig na ito, ay lumilitaw nang halos 7,000 ulit sa orihinal na “Matandang Tipan,” o Kasulatang Hebreo.

Ang pangalan ay isang anyo ng isang pandiwang Hebreo na ha·wah (הוה), na ang kahulugan ay “maging,” at aktuwal na nangangahulugang “Kaniyang Pinapangyayari na Maging.” Sa gayon, ang pangalan ng Diyos ay nagpapakilala sa kaniya bilang ang Isa na pasulong na tumutupad ng kaniyang mga pangako at walang pagkabigong layunin. Ang tunay na Diyos lamang ang makapagtataglay ng gayong makahulugang pangalan.

Natatandaan mo ba ang iba’t-ibang paraan ng paglitaw ng pangalan ng Diyos sa Awit 83:18, na nasa naunang seksiyon (pahina 5)? Dalawa sa mga saling iyon ay may titulo lamang (“ang PANGINOON,” ang “Walang-Hanggan”) na inihalili sa pangalan ng Diyos. Nguni’t sa dalawa, Yahweh at Jehova, makikita mo ang apat na letra ng pangalan ng Diyos. Subali’t, ang bigkas ay iba. Bakit?

Paano ba ang Bigkas ng Pangalan ng Diyos?

Walang sinuman na tiyakang nakakaalam kung paano unang-unang binigkas ang pangalan ng Diyos. Bakit ganoon? Hebreo ang unang wika na ginamit sa pagsulat ng Bibliya, at sa pagsulat sa Hebreo, ang isinusulat ng mga manunulat ay mga katinig lamang—hindi mga patinig. Kaya, nang isulat ng kinasihang mga manunulat ang pangalan ng Diyos, natural na ganoon din ang gawin nila at mga katinig lamang ang isinulat nila.

Habang ang sinaunang Hebreo ang ginagamit na wika sa araw-araw, walang problema. Ang bigkas ng Pangalan ay alam na alam ng mga Israelita at pagka nakita nila ito na nakasulat, sila na ang naglalagay ng mga patinig nang hindi na nila iniisip pa (kung paano, para sa bumabasa ng Ingles, ang daglat na “Ltd.” ay “Limited” at ang “bldg.” ay “building”).

Dalawang bagay ang bumago ng kalagayang ito. Una, nagkaroon ang mga Judio ng pamahiin na masamang sabihin nang malakas ang banal na pangalan, kaya pagka mayroon nito sa kanilang binabasa sa Bibliya ang binibigkas nila ay ang salitang Hebreo na ’Adho·nai (“Soberanong Panginoon”). At, sa paglakad ng panahon, ang sinaunang wikang Hebreo ay hindi na ginagamit sa araw-araw, kaya ang orihinal na bigkas sa Hebreo ng pangalan ng Diyos ay nakalimutan.

Upang ang pagbigkas sa buong wikang Hebreo ay hindi makalimutan, ang mga iskolar na Judio noong ikalawang bahagi ng unang milenyo C.E. ay umimbento ng isang sistema ng mga puntos upang kumatawan sa mga patinig na hindi isinusulat, at kanilang inilagay ang mga ito sa palibot ng mga katinig sa Bibliyang Hebreo. Kaya, kapuwa ang mga patinig at katinig ay isinulat, at ang bigkas niyaon ay naingatan noon.

Pagdating sa pangalan ng Diyos, sa halip na ilagay sa palibot niyaon ang wastong mga puntos ng patinig, malimit na ang inilalagay nila ay mga ibang puntos ng patinig upang ipaalaala sa mambabasa na ang dapat niyang sabihin ay ’Adhonai. Dito nanggaling ang baybay o ispeling na Iehouah, at, sa wakas, Jehovah ang tinanggap na bigkas ng banal na pangalan sa Ingles. Taglay pa rin nito ang mahalagang mga bahagi ng pangalan ng Diyos sa orihinal na Hebreo.

Aling Bigkas ang Gagamitin Mo?

Nguni’t, saan galing ang bigkas na gaya ng Yahweh? Mga anyo ito na iminungkahi ng mga modernong iskolar na nanghihinuha kung ano ang orihinal na bigkas ng pangalan ng Diyos. Ang iba—bagaman hindi lahat—ay naniniwala na ang mga Israelita bago noong panahon ni Jesus ay baka Yahweh ang bigkas sa pangalan ng Diyos. Walang nakatitiyak. Baka ganoon ang bigkas nila, baka hindi ganoon.

Gayunman, ang bigkas na Jehova (sa Tagalog naman) ang gusto ng marami. Bakit? Sapagka’t ginagamit at kilala ito ng karamihan, di-gaya ng Yahweh. Hindi baga mas mabuting gamitin ang anyo na baka mas malapit sa orihinal na bigkas? Hindi, sapagka’t hindi ganiyan ang kaugalian sa mga pangalan sa Bibliya.

Ipaghalimbawa natin ito sa pangalan ni Jesus. Alam mo ba kung ano ang pang-araw-araw na tawag kay Jesus ng pamilya at mga kaibigan niya nang siya’y lumalaki sa Nazaret? Walang taong tiyakang nakakaalam niyan, bagaman baka nahahawig sa Yeshua (o marahil Yehoshua). Tiyak na hindi Jesus.

Nang isulat sa Griego ang kaniyang talambuhay, hindi ang orihinal na bigkas Hebreo ang inilagay roon ng kinasihang mga manunulat. Ang ginamit nila ay ang pangalan sa Griego, I·e·sous. Ngayon, iba rin ang ginagamit at kaayon iyon ng wika ng bumabasa ng Bibliya. Ang mga mambabasa ng Bibliyang Kastila ay Jesús (binibigkas na Hes·soos). Ang ispeling Italyano ay Gesù (binibigkas na Djay·zoo). Ang ispeling ng mga Aleman ay Jesus (binibigkas na Yaysoos).

Dapat ba tayong huminto ng paggamit ng pangalan ni Jesus dahil sa karamihan sa atin, o lahat pa nga sa atin, ay hindi talagang nakakaalam ng orihinal na bigkas niyaon? Wala pang tagapagsalin na nagmumungkahi ng ganiyan. Ibig nating gamitin ang pangalan, sapagka’t ipinakikilala nito ang sinisintang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na naghandog ng kaniyang buhay para sa atin. Pagpaparangal ba kay Jesus kung aalisin sa Bibliya ang lahat ng kaniyang pangalan at hahalinhan iyon ng isang titulo lamang na gaya ng “Guro,” o “Tagapamagitan”? Hindi! May masasabi tayong kaugnayan kay Jesus pagka ginamit natin ang kaniyang pangalan ayon sa karaniwang bigkas sa ating wika.

Ganiyan din ang masasabi tungkol sa lahat ng pangalan na nababasa natin sa Bibliya. Ang bigkas natin ay ayon sa ating wika at hindi natin ginagaya ang orihinal na bigkas. Ang bigkas natin ay “Jeremias,” hindi Yir·me·yahu. Ang bigkas natin ay Isaias, bagaman noong kaniyang kaarawan malamang na ang propetang ito ay tinatawag na Yesha·yahu. Maging ang mga iskolar man na may alam sa orihinal na bigkas ng mga pangalang ito ay yaong modernong bigkas ang ginagamit, hindi ang sinauna.

Totoo rin iyan sa pangalang Jehova. Bagaman ang modernong bigkas na Jehova ay baka hindi ang eksaktong bigkas niyan sa orihinal, hindi ito nakakabawas sa kahalagahan ng pangalan. Ipinakikilala nito ang Maylikha, ang Diyos na buháy, ang Kataastaasan na pinagsabihan ni Jesus: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.”—Mateo 6:9.

‘Ito’y Hindi Maaaring Halinhan’

Bagaman maraming tagapagsalin ang sang-ayon sa bigkas na Yahweh, ang New World Translation at ang iba pang mga salin ay patuloy na gumagamit ng anyo na Jehova dahil sa ito ang nakasanayan na ng mga tao nang daan-daang taon. At, narito, gaya rin ng mga ibang anyo, ang apat na letra ng Tetragrammaton, YHWH o JHVH.

Mas maaga, ang propesor Aleman na si Gustav Friedrich Oehler ay ganiyan din ang pasiya batay sa kaparehong dahilan. Tinalakay niya ang iba’t-ibang bigkas at ang sabi: “Buhat dito patuloy kong ginagamit ang salitang Jehova, sapagka’t, ang totoo, ang pangalang ito ay naging lalong natural ngayon sa ating talasalitaan, at hindi ito maaaring halinhan.”—Theologie des Alten Testaments (Teolohiya ng Matandang Tipan), ikalawang edisyon, lathala noong 1882, pahina 143.

Sa kaniyang Grammaire de lhébreu biblique (Balarila ng Hebreo ng Bibliya), 1923 edisyon, sa isang talababa sa pahina 49, sinabi ng Jesuitang iskolar na si Paul Joüon: “Sa aming mga salin, sa halip na yaong (hipotetikong) anyong Yahweh, aming ginamit ang anyong Jéhovah . . . na siyang karaniwang anyo na ginagamit sa Pranses.” Sa marami pang mga ibang wika isang nahahawig na anyo ang ginagamit ng mga tagapagsalin ng Bibliya, gaya ng makikita sa kahon sa pahina 8.

Mali ba na gamitin ang isang anyo na gaya baga ng Yahweh? Hindi. Kaya lamang ay ang anyong Jehova ang malamang na makapukaw agad sa mambabasa sapagka’t nasa anyong “natural” sa karamihan ng wika. Ang mahalaga ay gamitin natin ang pangalan at ihayag ito sa mga iba. “Magpasalamat kayo kay Jehova, kayong mga tao! Kayo’y magsitawag sa kaniyang pangalan. Itanyag ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa. Sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay dakila.”—Isaias 12:4.

Tingnan natin kung paano kumilos ang mga lingkod ng Diyos kasuwato ng utos na iyan sa nakalipas na daan-daang taon.

[Mga Talababa]

Tingnan ang Appendix 1A sa New World Translation of the Holy Scriptures, 1984 edisyon.

Tingnan ang Appendix 1A sa New World Translation of the Holy Scriptures, 1984 edisyon.

[Kahon sa pahina 7]

Ang mga iskolar ay iba-iba ang ideá tungkol sa orihinal na bigkas ng pangalang YHWH.

Sa The Mysterious Name of Y.H.W.H., pahina 74, sinabi ni Dr. M. Reisel na ang “vocalisation ng Tetragrammaton ay tiyak na sa orihinal YeHūàH o YaHūàH.”

Si Canon D. D. Williams ng Cambridge ay naniniwala na “ipinakikita ng ebidensiya, halos pinatutunayan, na hindi Jāhwéh ang tunay na bigkas ng Tetragrammaton . . . Ang Pangalan mismo ay marahil JĀHÔH.”—Zeitschrift für die alttestamentliche Wissenschaft (Peryodiko para sa Kaalaman sa Matandang Tipan), 1936, Tomo 54, pahina 259.

Sa glosario ng Pranses na Revised Segond Version, pahina 9, ganito ang komento: “Ang bigkas na Yahvé na nasa mga ibang salin kamakailan ay salig sa mga ilang sinaunang saksi, nguni’t hindi kapanipaniwala. Kung isasaalang-alang ang personal na mga pangalan na kasali na rito ang banal na pangalan, gaya baga ng pangalang Hebreo ng propetang si Elias (Eliyahou) ang bigkas ay maaaring Yaho o Yahou.”

Noong 1749 ang Alemang iskolar ng Bibliya na si Teller ay bumanggit ng mga ilang iba’t-ibang bigkas ng pangalan ng Diyos na kaniyang nabasa: “Sina Diodorus na taga-Sicily, Macrobius, Clemens Alexandrinus, San Jerome at Origenes ay Jao ang isinulat; ang mga Samaritano, si Epiphanius, Theodoretus, Jahe, o Jave; si Ludwig Cappel ay Javoh; si Drusius, Jahve; Hottinger, Jehva; Mercerus, Jehovah; Castellio, Jovah; at le Clerc, Jawoh, o Javoh.”

Maliwanag na ang orihinal na bigkas ng pangalan ng Diyos ay hindi na alam. Hindi mahalaga iyan. Sapagka’t kung hindi, di sana’y iningatan iyon ng Diyos para magamit natin. Ang mahalaga’y gamitin ang pangalan ng Diyos ayon sa karaniwang bigkas niyaon sa ating wika.

[Kahon sa pahina 8]

Mga anyo ng banal na pangalan sa iba’t-ibang wika, na nagpapakita na tinatanggap sa buong daigdig ang anyong Jehova

Aleman – Jehova

Awabakal – Yehóa

Bugotu – Jihova

Cantonese – Yehwowah

Danes – Jehova

Efik – Jehovah

Fihiyano – Jiova

Futuna – Ihova

Hapones – Ehoba

Hungaryo – Jehova

Igbo – Jehova

Ingles – Jehovah

Italyano – Geova

Kastila – Jehová

Maori – Ihowa

Motu – Iehova

Mwala-Malu – Jihova

Narrinyeri – Jehovah

Nembe – Jihova

Olandes – Jehovah

Petats – Jihouva

Pinlandes – Jehova

Polako – Jehowa

Portuges – Jeová

Pranses – Jéhovah

Romaniano – Iehova

Samoano – Ieova

Sotho – Jehova

Swahili – Yehova

Sweko – Jehova

Tahitiano – Iehova

Tagalog – Jehova

Tongan – Jihova

Venda – Yehova

Xhosa – uYehova

Yoruba – Jehofah

Zulu – uJehova

[Kahon sa pahina 11]

Ang “Jehova” ay kilalang-kilala bilang ang pangalan ng Diyos maging sa mga konteksto man na di-Biblikal.

Si Franz Schubert ang kompositor ng musika para sa liriko na pinamagatang “The Almightiness,” na isinulat ni Johann Ladislav Pyrker, at makalawang lumilitaw dito ang pangalang Jehova. Ginagamit din ito sa dulo ng huling eksena ng opera ni Verdi na “Nabucco.”

At, sa oratoriong “King David” ng kompositor Pranses na si Arthur Honegger ay litaw ang pangalang Jehova, at mahigit na 30 beses ginamit ito ng kilalang autor Pranses na si Victor Hugo sa kaniyang mga katha. Sila ni Lamartine ay kapuwa sumulat ng mga tula na pinamagatang “Jehovah.”

Sa aklat na Deutsche Taler (Ang Sinsilyong Aleman), na lathala noong 1967 ng Federal Bank ng Alemanya, may isang larawan ng isa sa pinakamatatandang barya na may taglay ng pangalang “Jehova,” isang Reichstaler noong 1634 buhat sa Duchy ng Silesia. Tungkol sa larawan sa kabilang mukha ng barya, sinasabi: “Sa ilalim ng maningning na pangalang JEHOVA, sumisikat sa gitna ng mga alapaap, ay narito ang isang kalasag na may korona at kutamaya ng Silesia.”

Sa isang museo sa Rudolstadt, Silangang Alemanya, makikita mo sa kuwelyo ng kagayakang baluti na minsa’y isinuot ni Gustavus II Adolph, isang hari ng Sweden noong ika-17 siglo, ang pangalang JEHOVA sa malalaking titik.

Samakatuwid, kung mga ilang siglo na ang anyong Jehova ang kinikilala sa buong daigdig bilang bigkas sa pangalan ng Diyos, at agad nakikilala ng mga taong nakakarinig kung sino ang tinutukoy. Gaya ng sinabi ni Propesor Oehler, “Ang pangalang ito ay naging lalong natural ngayon sa ating talasalitaan, at hindi ito maaaring halinhan.”—Theologie des Alten Testaments (Teolohiya ng Matandang Tipan).

[Larawan sa pahina 6]

Larawan ng isang anghel na may taglay na pangalan ng Diyos, natagpuan sa libingan ni Papa Clement XIII sa St. Peter’s Basilica, Vaticano

[Larawan sa pahina 7]

Maraming sinsilyo ang ginawa na may taglay na pangalan ng Diyos. Ito’y may petsang 1661 at galing sa Nuremberg, Alemanya. Ang tekstong Latin ay: “Sa ilalim ng anino ng iyong mga bagwis”

[Mga Larawan sa pahina 9]

Noong nakalipas, ang pangalan ng Diyos sa anyong Tetragrammaton ay ginawang bahagi ng dekorasyon ng maraming gusali ng relihiyon

Fourvière Katolikong Basilica, Lyons, Pransiya

Katedral ng Bourges, Pransiya

Simbahan sa La Celle, Dunoise, Pransiya

Simbahan sa Digne, timugang Pransiya

Simbahan sa São Paulo, Brazil

Katedral sa Strasbourg, Pransiya

Katedral ni San Marcos, Venice, Italya

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang pangalan ni Jehova sa isang monasteryo sa Bordesholm, Alemanya; sa isang sinsilyong Aleman na may petsang 1635; sa itaas ng pinto sa isang simbahan sa Fehmarn, Alemanya; at sa isang lapida noong 1845 sa Harmannschlag, Lower Austria

“Sambahin Nawa ang Pangalan Mo”—Anong Pangalan?

January 5, 2012

“Sambahin Nawa ang Pangalan Mo”—Anong Pangalan?

ISA ka bang relihiyoso? Tiyak, gaya ng marami, ikaw ay naniniwala sa isang Kataastaasang Persona. Malamang na lubhang iginagalang mo ang tanyag na panalangin sa Personang iyan, na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod at tinatawag na Panalangin ng Panginoon, o Ama Namin. Nagsisimula iyon na ganito: “Ama namin na nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.”—Mateo 6:9, New International Version.

Nagtataka ka ba kung bakit sa panalanging ito’y iniuna ni Jesus ang ‘pagsamba,’ o pagbanal, sa pangalan ng Diyos? Pagkatapos, binanggit niya ang iba pa tulad baga ng pagdating ng Kaharian ng Diyos, pagkaganap ng kalooban ng Diyos sa lupa at pagpapatawad sa ating mga kasalanan. Ang katuparan ng mga iba pang kahilingang ito ay mangangahulugan ng pag-iral ng walang hanggang kapayapaan sa lupa at buhay na walang hanggan para sa tao. Mayroon pa bang mas mahalaga riyan? Gayunman, ang unang ipinahihiling ni Jesus sa atin ay ang pagbanal sa pangalan ng Diyos.

Hindi nagkataon lamang na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sa kanilang panalangin ay ilagay na una ang pangalan ng Diyos. Ang pangalang iyan ay napakahalaga sa kaniya, sapagka’t inulit-ulit niya iyan sa kaniyang mga panalangin. Minsan nang nananalangin siya sa Diyos sa madla, sinabi niya: “Ama luwalhatiin mo ang iyong pangalan!” Sumagot ang Diyos mismo: “Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.”—Juan 12:28, The Jerusalem Bible.

Nang gabi bago namatay si Jesus, narinig ng mga alagad ang panalangin niya sa Diyos, at doo’y itinampok niya uli ang pangalan ng Diyos. Aniya: “Ipinakilala ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” Nang huli, inulit niya: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at patuloy na ipakikilala ko.”—Juan 17:6, 26, JB.

Bakit napakahalaga kay Jesus ang pangalan ng Diyos? Bakit niya ipinakita na iyon ay mahalaga para sa atin, din naman, nang sabihin niya na ipanalangin na pakabanalin iyon? Kailangan dito na malaman natin kung ano ang pagkakilala sa mga pangalan noong panahon na tinutukoy sa Bibliya.

Ang mga Pangalan Noong Panahon na Tinutukoy sa Bibliya

Maliwanag na nilagyan ng Diyos na Jehova ang tao ng hangarin na panganlan ang mga bagay. Ang unang tao ay may pangalan, Adan. Sa salaysay ng paglalang, sinasabing isa sa unang ginawa ni Adan ay bigyang-pangalan ang mga hayop. Nang bigyan ng Diyos ng asawa si Adan, agad tinawag ito ni Adan na “Babae” (’Ish·shah, sa Hebreo). Pagkatapos, kaniyang pinanganlan ito na Eva, ibig sabihin ay “Isang Nabubuhay,” sapagka’t “siya ang naging ina ng lahat ng nabubuhay.” (Genesis 2:19, 23; 3:20) Ngayon ay binibigyan din natin ng mga pangalan ang mga tao. Mahirap gunigunihin kung ano ang magagawa natin kung walang mga pangalan.

Noong panahon ng mga Israelita, ang pangalan ay hindi lamang basta pangalan. May kahulugan iyon. Halimbawa, ang pangalan ni Isaac, “Pagtawa,” ay nagpapagunita ng pagtawa ng kaniyang matatanda nang mga magulang nang unang malaman nila na magkakaanak sila. (Genesis 17:17, 19; 18:12) “Balbon” ang kahulugan ng pangalan ni Esau. Ang iba pang pangalan niya, na Edom, “Pula,” o “Namumula,” ay nagpapaalaala na ang kaniyang karapatan sa pagkapanganay ay ipinagbili niya kapalit ng isang pinggang lutuin. (Genesis 25:25, 30-34; 27:11; 36:1) Si Jacob, na mas bata sa kaniyang kakambal, si Esau, ang bumili rito ng karapatan sa pagkapanganay at tumanggap ng kalakip na pagpapala buhat sa kaniyang ama. Ang kahulugan ng pangalan ni Jacob ay “Humahawak sa Sakong” o “Humalili.” (Genesis 27:36) Ang kahulugan ng pangalan ni Salomon, na nang naghahari’y kapayapaan at kasaganaan ang tinatamasa ng Israel, ay “Mapayapa.”—1 Cronica 22:9.

Ganito ang sabi ng The Illustrated Bible Dictionary (Tomo 1, pahina 572): “Ang pag-aaral ng salitang ‘pangalan’ sa M[atandang] T[ipan] ay nagsisiwalat kung gaano ang lawak ng kahulugan nito sa Hebreo. Ang pangalan ay hindi basta pangalan, kundi tumutukoy sa tunay na pagkatao ng may pangalan.”

Na mahalaga sa Diyos ang mga pangalan ay pinatutunayan ng bagay na, sa pamamagitan ng isang anghel, kaniyang sinabihan ang magiging mga magulang nina Juan Bautista at Jesus ng ipapangalan nila sa kanilang mga anak na ito. (Lucas 1:13, 31) At kung minsan ay binabago niya ang mga pangalan, o binibigyan niya ng karagdagang mga pangalan ang mga tao, upang ipakita ang kanilang dako sa kaniyang layunin. Halimbawa, nang sabihin ng Diyos na ang kaniyang lingkod na si Abram (“Ama ng Pagkakataas”) ay magiging ama ng maraming bansa binago Niya ang pangalan nito at ginawang Abraham (“Ama ng Karamihan”). Kaniyang binago ang pangalan ng asawa ni Abraham, Sarai (“Palakontra”), at naging Sara (“Prinsesa”), sapagka’t siya ang magiging ina ng binhi ni Abraham.—Genesis 17:5, 15, 16; ihambing ang Genesis 32:28; 2 Samuel 12:24, 25.

Minahalaga rin ni Jesus ang mga pangalan at tinukoy niya ang pangalan ni Pedro sa pagbibigay dito ng pribilehiyo sa paglilingkod. (Mateo 16:16-19) Kahit ang mga espiritung nilalang ay may mga pangalan. Ang dalawang binanggit sa Bibliya ay si Gabriel at si Miguel. (Lucas 1:26; Judas 9) Pagka pinanganlan ng tao ang mga bagay na gaya baga ng mga bituin, planeta, bayan, bundok at mga ilog, kaniyang ginagaya ang kaniyang Maylikha. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na lahat ng bituin ay tinatawag ng Diyos sa pangalan.—Isaias 40:26.

Oo, ang pangalan ay mahalaga sa Diyos, at inilagay niya sa tao ang hangarin na makilala ang mga tao at mga bagay sa pamamagitan ng mga pangalan. Ang mga anghel, tao, hayop, pati mga bituin at iba pa, ay may mga pangalan. Katugma ba nito kung ang Maylikha ng lahat na ito ay hindi magtataglay sa sarili niya ng pangalan? Siempre hindi, sa liwanag ng sinabi ng salmista: “Purihin ng lahat ng laman ang banal na pangalan [ng Diyos] hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.”—Awit 145:21.

Sinasabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology (Tomo 2, pahina 649): “Isa sa pinakamahalaga at lubhang kailangan na katangian ng pagsisiwalat ng Bibliya ay yaong katotohanan na ang Diyos ay may pangalan: siya’y may personal na pangalan, na sa pamamagitan nito siya ay maaari, at kailangan, na tawagan.” Iyan ang pangalang nasa isip ni Jesus nang turuan niya ang mga alagad niya na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.”—Mateo 6:9.

Kung gayon, mahalaga na malaman natin kung ano ang pangalan ng Diyos. Alam mo ba ang personal na pangalan ng Diyos?

Ano ang Pangalan ng Diyos?

Kataka-taka, karamihan ng daan-daang milyong miyembro ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay marahil mahihirapan na sagutan ang tanong na iyan. May magsasabi na Jesu-Kristo ang pangalan ng Diyos. Subali’t si Jesus ay hindi sa sarili niya nananalangin nang sabihin niya: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” (Juan 17:6) Siya’y nananalangin noon sa Diyos sa langit, gaya ng isang anak na nakikipag-usap sa kaniyang ama. (Juan 17:1) Ang pangalan ng kaniyang makalangit na Ama ang kailangan na “sambahin,” o “pakabanalin.”

Gayunman sa maraming modernong Bibliya ay wala ang pangalan, at pambihirang gamitin sa mga simbahan. Sa halip na “sambahin,” ito’y hindi kilala ng milyun-milyong mambabasa ng Bibliya. Bilang halimbawa ng pakikitungo sa pangalan ng Diyos ng mga tagapagsalin ng Bibliya, tingnan natin ang isa lamang talata na mayroon nito: Awit 83:18. Ganito ang pagkasalin sa talatang ito sa apat na iba’t-ibang Bibliya:

“Hayaang maalaman nila na ikaw lamang, na ang pangalan ay ang PANGINOON, ang Kataastaasan sa buong lupa.” (Revised Standard Version ng 1952)

“Upang ituro sa kanila na ikaw, Oh Walang-Hanggan, ikaw ang Diyos na Kataastaasan sa buong sanlibutan.” (A New Translation of the Bible, ni James Moffatt, ng 1922)

“Hayaang maalaman nila ito: ikaw lamang ang may pangalang Yahweh, Kataastaasan sa buong sanlibutan.” (Katolikong Jerusalem Bible ng 1966)

“Upang maalaman ng mga tao na ikaw lamang, na ang tanging pangalan ay JEHOVA, ang kataastaasan sa buong lupa.” (Authorized, o King James, Version ng 1611)

Bakit ang pangalan ng Diyos ay iba-iba sa mga saling ito? Ang kaniya bang pangalan ay PANGINOON, ang Walang-Hanggan, Yahweh o Jehova? O lahat ba nito ay dapat tanggapin?

Para masagot ito, tandaan na ang orihinal na Bibliya ay hindi isinulat sa Ingles o sa Tagalog. Ang mga manunulat ng Bibliya ay mga Hebreo, at karamihan nito ay isinulat nila sa mga wikang Hebreo at Griego noong kanilang kaarawan. Karamihan sa atin ay hindi nagsasalita ng sinaunang mga wikang iyan. Nguni’t ang Bibliya ay isinalin sa maraming modernong mga wika, at magagamit natin ang mga saling ito kung ibig nating basahin ang Salita ng Diyos.

Ang mga Kristiyano ay may matinding paggalang sa Bibliya at naniniwala sila na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Ang pagsasalin sa Bibliya ay isang mabigat na pananagutan. Kung kusang binago o kinaltas ng sinuman ang ano mang bahagi ng Bibliya, kaniyang pinanghihimasukan ang kinasihang Salita. Kumakapit sa kaniya ang babala ng Kasulatan: “Kung daragdagan ninuman ang mga bagay na ito, idaragdag sa kaniya ng Diyos ang mga salot na nasusulat sa balumbon na ito; at kung babawasan ninuman ang mga salita ng balumbon ng hulang ito, aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi sa mga punungkahoy ng buhay.”—Apocalipsis 22:18, 19; tingnan din ang Deuteronomio 4:2.

Tiyak na karamihan ng tagapagsalin ng Bibliya ay gumagalang sa Bibliya at taimtim sila sa hangaring gawing kauna-unawa ito sa modernong panahong ito. Nguni’t sila’y hindi kinasihan. Marami sa kanila ang may matinding opinyon tungkol sa relihiyon at baka naiimpluwensiyahan ng sariling mga kuru-kuro at kagustuhan. Baka sila magkamali rin pati sa paghatol.

Kaya, may katuwirang magtanong: Ano ang talagang pangalan ng Diyos? Bakit ang iba’t-ibang tagapagsalin ng Bibliya ay may iba’t-ibang pangalan para sa Diyos? Pagkatapos na masagot ang mga tanong na ito, makababalik tayo sa ating unang-unang tanong: Bakit napakahalaga ang pagbanal sa pangalan ng Diyos?

[Blurb sa pahina 4]

Ang mga anghel, tao, hayop, pati mga bituin at iba pa ay may mga pangalan. Katugma ba nito kung ang Maylikha ng lahat na ito ay walang pangalan?

[Blurb sa pahina 5]

Ang pangalan ng Diyos ay napakahalaga kay Jesus, sapagka’t inulit-ulit niya iyan sa kaniyang mga panalangin.