Archive for the ‘QUESTIONS TO JEHOVAH’S WITNESSES’ Category

Mga Pagdiriwang na Hindi Nakalulugod sa Diyos

January 24, 2012

Mga Pagdiriwang na Hindi Nakalulugod sa Diyos

“Patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.”—EFESO 5:10.


“SASAMBAHIN ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya,” ang sabi ni Jesus. (Juan 4:23) Kapag nakahanap si Jehova ng gayong mga indibiduwal—gaya mo—inilalapit niya sila sa kaniya at sa kaniyang Anak. (Juan 6:44) Isa itong malaking karangalan! Gayunman, para sa mga umiibig sa katotohanan ng Bibliya, dapat na “patuloy [nilang] tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon,” sapagkat si Satanas ay eksperto sa panlilinlang.—Efeso 5:10; Apocalipsis 12:9.

2 Tingnan natin ang nangyari noon malapit sa Bundok Sinai nang hilingin ng mga Israelita kay Aaron na igawa sila ng isang diyos. Pinagbigyan sila ni Aaron at iginawa nga sila ng ginintuang guya pero pinalabas niyang kumakatawan ito kay Jehova. “May isang kapistahan para kay Jehova bukas,” ang sabi niya. Binale-wala ba ni Jehova ang pagsasamang ito ng tunay na relihiyon at ng huwad na relihiyon? Hindi. Sa katunayan, mga tatlong libong mananamba sa idolo ang iniutos niyang patayin. (Exodo 32:1-6, 10, 28) Anong aral ang matututuhan natin dito? Kung gusto nating manatili sa pag-ibig ng Diyos, dapat na “huwag [tayong] humipo ng anumang bagay na marumi” at huwag hayaang mabahiran ng anumang kasinungalingan ang katotohanan.—Isaias 52:11; Ezekiel 44:23; Galacia 5:9.

3 Nakalulungkot, nang mamatay ang mga apostol, na nagsilbing bantay laban sa apostasya, ang mga nag-aangking Kristiyano na walang pag-ibig sa katotohanan ay nagsimulang magsagawa ng mga paganong kaugalian, pagdiriwang, at kapistahan, na ayon sa kanila’y para na rin sa mga Kristiyano. (2 Tesalonica 2:7, 10) Habang sinusuri mo ang mga pagdiriwang na ito, pansinin kung paano ipinapakita ng mga ito ang espiritu ng sanlibutan, hindi ang espiritu ng Diyos. Sa pangkalahatan, pare-pareho lamang ang layunin ng mga pagdiriwang ng sanlibutan: Ginagawa nitong kaakit-akit ang mga makalamang pagnanasa, at itinataguyod ang espiritismo at mga paniniwala ng huwad na mga relihiyon—ang mga pagkakakilanlan ng “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 18:2-4, 23) Tandaan din na nakita mismo ni Jehova ang kasuklam-suklam na mga gawain ng mga paganong relihiyon na pinagmulan ng maraming popular na kaugalian. Walang alinlangan, kasuklam-suklam din sa kaniya ang gayong mga pagdiriwang sa ngayon. Tiyak ngang napakahalaga sa atin ng pananaw ng Diyos sa bagay na ito!—2 Juan 6, 7.

4 Bilang mga tunay na Kristiyano, alam natin na may ilang pagdiriwang na hindi nakalulugod kay Jehova. Pero kailangan talagang maging determinado tayo na huwag masangkot sa mga ito. Kung babalikan natin ang dahilan kung bakit hindi nalulugod si Jehova sa ganitong mga pagdiriwang, magiging mas matatag ang ating pasiyang iwasan ang anumang bagay na hahadlang sa atin para makapanatili sa pag-ibig ng Diyos.

PASKO—IBANG KATAWAGAN SA PAGSAMBA SA ARAW

5 Walang binabanggit sa Bibliya na ipinagdiwang ang araw ng kapanganakan ni Jesus. Sa katunayan, ni wala ngang nakaaalam sa eksaktong petsa ng kaniyang kapanganakan. Pero makatitiyak tayong hindi siya isinilang noong Disyembre 25, na panahon ng taglamig sa lugar kung saan siya isinilang. Una sa lahat, iniulat ni Lucas na noong isilang si Jesus, ang “mga pastol [ay] naninirahan sa labas” at nagbabantay sa kanilang mga kawan. (Lucas 2:8-11) Kung buong taon silang “naninirahan sa labas,” hindi magiging kapansin-pansin ang detalyeng ito. Pero dahil umuulan at nagyeyelo sa Betlehem kung taglamig, ang mga kawan ay ipinapasok sa kulungan at ang mga pastol ay tiyak na hindi ‘maninirahan sa labas.’ Isa pa, pumunta sina Jose at Maria sa Betlehem dahil iniutos ni Cesar Augusto na magparehistro ang mga tao. (Lucas 2:1-7) Malabong mangyari na ang mga taong galít sa pamamahala ng Roma ay uutusan pa ni Cesar na maglakbay sa mga lunsod ng kanilang mga ninuno kung kailan napakalamig ng panahon.

6 Nagmula ang Pasko, hindi sa Kasulatan, kundi sa sinaunang paganong mga kapistahan, gaya ng Romanong Saturnalia, isang pagdiriwang na iniaalay kay Saturn, ang diyos ng agrikultura. Gayundin naman, ayon sa kalkulasyon ng mga deboto ng diyos na si Mithra, ipinagdiriwang nila ang Disyembre 25 bilang “kapanganakan ng di-malulupig na araw,” ang sabi ng New Catholic Encyclopedia. “Nagsimula ang Pasko sa panahon na napakalakas ng impluwensiya ng pagsamba sa araw sa Roma,” mga tatlong siglo pagkamatay ni Kristo.

7 Sa pagdiriwang na ito, ang mga pagano ay nagpapalitan ng mga regalo at nagsasalu-salo—mga kaugaliang ginagawa pa rin ngayon tuwing Pasko. Pero ang pagbibigayang ito ng regalo ay hindi kasuwato ng sinasabi sa 2 Corinto 9:7: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” Ang mga tunay na Kristiyano ay nagbibigay udyok ng pag-ibig. Ang kanilang pagbibigay ay hindi nakadepende sa isang partikular na petsa at hindi sila umaasa ng kapalit. (Lucas 14:12-14; Gawa 20:35) Isa pa, napahahalagahan nilang hindi sila napapabigatan ng labis-labis na paghahanda at ng pagkakabaon sa utang sa tuwing darating ang Pasko.—Mateo 11:28-30; Juan 8:32.

8 Pero, baka ikatuwiran ng ilan na nagregalo ang mga astrologo kay Jesus para sa kaniyang kapanganakan. Gayon nga ba? Hindi. Nagbigay sila ng regalo bilang pagkilala sa isang importanteng tao, isang karaniwang kaugalian noong panahon ng Bibliya. (1 Hari 10:1, 2, 10, 13; Mateo 2:2, 11) Sa katunayan, pumunta sila kay Jesus hindi noong gabing isilang siya. Dumalaw sila kay Jesus noong nasa bahay na siya at wala na sa sabsaban, at hindi na rin siya isang bagong-silang na sanggol.

ANG SINASABI NG BIBLIYA TUNGKOL SA PAGDIRIWANG NG MGA KAPANGANAKAN

9 Bagaman napakasaya kapag may isinilang na sanggol, walang binabanggit ang Bibliya na nagdiwang ng araw ng kapanganakan ang mga lingkod ng Diyos. (Awit 127:3) Nakaligtaan lamang kayang iulat ito sa Bibliya? Hindi, dahil binanggit nito ang dalawang pagdiriwang ng araw ng kapanganakan—ang kay Paraon ng Ehipto at ang kay Herodes Antipas. (Genesis 40:20-22; Marcos 6:21-29) Pero parehong hindi maganda ang nangyari sa dalawang pagdiriwang na ito—lalo na ang kay Herodes Antipas, yamang sa okasyong ito pinugutan ng ulo si Juan na Tagapagbautismo.

10 Ganito ang sinasabi sa The World Book Encyclopedia: “Itinuturing ng sinaunang mga Kristiyano na ang selebrasyon ng kapanganakan ninuman ay isang kaugaliang pagano.” Halimbawa, naniniwala ang mga Griego noong sinaunang panahon na may isang espiritung nagbabantay sa isang tao habang isinisilang siya. Naniniwala rin silang ipagsasanggalang ng espiritung ito ang taong iyon habang-buhay. Ang espiritung iyon ay “may misteryosong kaugnayan sa diyos na siyang may kaarawan sa mismong araw kung kailan isinilang ang indibiduwal,” ang sabi ng aklat na The Lore of Birthdays. Matagal na ring iniuugnay sa astrolohiya at horoscope ang mga araw ng kapanganakan.

11 Ang mga kaugalian sa pagdiriwang ng kapanganakan ay iniwasan ng mga lingkod ng Diyos noon dahil sa kanilang sinusunod na mga simulain, hindi lamang dahil sa pagano at espiritistikong pinagmulan nito. Bakit? Sapagkat sila’y mapagpakumbaba at hindi nila itinuturing na napakaimportante ng kanilang pagsilang anupat dapat itong ipagdiwang. (Mikas 6:8; Lucas 9:48) Sa halip, niluluwalhati nila si Jehova at pinasasalamatan siya dahil sa mahalagang kaloob na buhay.—Awit 8:3, 4; 36:9; Apocalipsis 4:11.

12 Ang lahat ng namatay na tapat sa Diyos ay nasa kaniyang alaala, at tiyak na bubuhayin silang muli sa hinaharap. (Job 14:14, 15) Sinasabi ng Eclesiastes 7:1: “Ang pangalan ay mas mabuti kaysa sa mainam na langis, at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.” Ang ating “pangalan” ay ang magandang reputasyong natamo natin dahil sa tapat na paglilingkod sa Diyos. Kapansin-pansin, hindi ang kapanganakan ng sinuman ang iniutos na alalahanin ng mga Kristiyano kundi ang kamatayan ni Jesus, na nagtataglay ng bukod-tanging “pangalan” na napakahalaga sa ating kaligtasan.—Lucas 22:17-20; Hebreo 1:3, 4.

EASTER—BALATKAYONG PAGSAMBA SA DIYOS NG PAG-AANAK

13 Sinasabing ang Easter ay pagdiriwang sa pagkabuhay-muli ni Kristo pero ang totoo, nagmula ito sa huwad na relihiyon. Ang mismong pangalang Easter ay iniuugnay kay Eostre, o Ostara, ang kinikilalang diyosa ng bukang-liwayway at ng tagsibol ng mga Anglo-Saxon. At ano naman ang koneksiyon ng mga itlog at kuneho sa Easter? Ang mga itlog ay “ginagamit na mga sagisag ng bagong buhay at pagkabuhay-muli,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica, samantalang ang mga kuneho naman ay matagal nang sumasagisag sa pag-aanak. Samakatuwid, ang Easter ay talagang isang ritwal sa pag-aanak na balatkayong pagdiriwang ng pagkabuhay-muli ni Kristo.

14 Sasang-ayunan kaya ni Jehova ang paggamit ng nakapandidiring ritwal sa pag-aanak para alalahanin ang pagkabuhay-muli ng kaniyang Anak? Hinding-hindi! (2 Corinto 6:17, 18) Sa katunayan, ni hindi nga iniuutos o ipinahihintulot ng Kasulatan na alalahanin ang pagkabuhay-muli ni Jesus. Kung aalalahanin ito at tatawagin pang Easter, labis na kawalang-pakundangan na ito sa Diyos.

HINDI SINASANG-AYUNAN NG DIYOS ANG HALLOWEEN

15 Karaniwan nang iniuugnay ang Halloween—na tinatawag ding All Hallows’ Eve o bisperas ng Todos los Santos—sa mga mangkukulam, tiyanak, at iba pang nakakatakot na mga dekorasyon. Ang pagdiriwang na ito ay nagmula sa mga Celt ng Britanya at Ireland noong sinaunang panahon. Kapag kabilugan ng buwan, sa araw na pinakamalapit sa Nobyembre 1, ipinagdiriwang nila ang kapistahan ng Samhain, na nangangahulugang “Katapusan ng Tag-init.” Naniniwala sila na sa kapistahan ng Samhain, nakakatawid sa daigdig ng tao ang mga espiritu. Ang mga espiritung ito, kapuwa mabuti at masama, ay gumagala-gala sa lupa. Naniniwala rin ang mga Celt na ang mga kaluluwa ng patay ay bumabalik sa kani-kanilang tahanan, at ang mga pamilya ay naglalabas ng pagkain at inumin para sa kanilang mga bisitang multo upang payapain ang mga ito. Kaya sa ngayon, kapag ang mga batang nakakostiyum ng multo o mangkukulam ay pumupunta sa mga bahay para bantaan ang may-bahay na gagawa sila ng kalokohan kapag hindi sila binigyan ng regalo, wala silang kamalay-malay na ipinagpapatuloy nila ang mga ritwal ng Samhain.

PANATILIHING MALINIS ANG ARAW NG INYONG KASAL

16 Di-magtatagal, “wala nang tinig ng kasintahang lalaki at ng kasintahang babae ang maririnig pang muli sa [Babilonyang Dakila].” (Apocalipsis 18:23) Bakit? Sapagkat mawawala na mismo ang Babilonyang Dakila, pati na ang mga espiritistikong gawain nito, na nagpaparumi na sa pag-aasawa sa araw pa lamang ng kasal.—Marcos 10:6-9.

17 Ang bawat bansa ay may kani-kaniyang kaugalian. Ang ilang kaugalian na parang wala namang masama ay baka nagmula sa Babilonikong mga gawain na diumano’y magdadala ng ‘suwerte’ sa mga ikinasal o sa kanilang mga bisita. (Isaias 65:11) Ang isa sa mga tradisyong ito ay ang paghahagis ng bigas o ng iba pang bagay. Ang gawaing ito ay baka nagmula sa paniniwalang pinapayapa ng pagkain ang masasamang espiritu upang hindi gawan ng masama ang mag-asawa. Bukod dito, ang bigas ay malaon nang may mahiwagang kaugnayan sa pag-aanak, kaligayahan, at pagkakaroon ng mahabang buhay. Maliwanag na iiwasan ng lahat ng gustong manatili sa pag-ibig ng Diyos ang gayong maruruming kaugalian.—2 Corinto 6:14-18.

18 Iniiwasan din ng mga lingkod ni Jehova ang makasanlibutang mga gawain na maaaring mag-alis ng dignidad sa mga Kristiyanong kasalan at handaan sa kasal o na maaaring makabagabag sa budhi ng iba. Halimbawa, iniiwasan nilang magbigay ng mga mensaheng may halong panunuya o mahahalay na pahiwatig at ng di-magandang pagbibiro o mga komentong magdudulot ng kahihiyan sa bagong kasal at sa iba. (Kawikaan 26:18, 19; Lucas 6:31; 10:27) Iniiwasan din nila ang magagarbong handaan na nagpapakita ng “pagpaparangya ng kabuhayan ng isa,” hindi ng kapakumbabaan. (1 Juan 2:16) Kung nagpaplano kang magpakasal, huwag na huwag mong kalilimutan na gusto ni Jehova na maging isang espesyal at masayang okasyon ang iyong kasal anupat wala kang anumang bagay na pagsisisihan kapag inaalaala mo ito.

PAGTO-TOAST—MAY KAUGNAYAN BA SA RELIHIYON?

19 Naging kaugalian na sa mga kasalan at iba pang mga salu-salo ang pagto-toast. Ganito ang sinasabi ng 1995 International Handbook on Alcohol and Culture: “Ang pagto-toast . . . ay malamang na walang kinalaman sa relihiyon ngayon, pero galing ito sa sinaunang kaugalian na paghahandog ng inumin kung saan isang sagradong likido ang inihahain sa mga diyos . . . kapalit ng isang kahilingan, isang panalangin na ibinubuod sa mga salitang ‘mahabang buhay!’ o ‘para sa iyong kalusugan!’”

20 Oo, baka hindi naiisip ng maraming tao na ang pagto-toast ay may kaugnayan sa relihiyon o pamahiin. Pero ang kaugalian na pagtataas ng baso ng alak ay maituturing pa ring paghiling sa “langit”—sa isang diyos—ng pagpapala sa paraang hindi kasuwato ng Kasulatan.—Juan 14:6; 16:23.

“KAYONG MGA UMIIBIG KAY JEHOVA, KAPOOTAN NINYO ANG KASAMAAN”

21 Ang mabilis na pagbaba ng mga pamantayan ng sanlibutan sa ngayon—isang kalakarang tuwiran o di-tuwirang itinataguyod ng Babilonyang Dakila—ay kitang-kita sa mga bansang nag-iisponsor ng taunang mga parada o Mardi Gras, mga kapistahang nagtatampok ng malalaswang pagsasayaw at nagtatanghal pa nga ng istilo ng buhay ng mga bakla at tomboy. Nararapat ba sa isang “umiibig kay Jehova” na pumunta o manood ng gayong mga parada? Kung siya ay pupunta o manonood nito, ipinapakita ba niya na talagang kinapopootan niya ang masama? (Awit 1:1, 2; 97:10) Napakabuti nga kung matutularan natin ang saloobin ng salmista na nanalangin: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan”!—Awit 119:37.

22 Kapag may ginaganap na pagdiriwang ng sanlibutan, iiwasan ng isang Kristiyano ang paggawing magbibigay ng impresyon na nakikisali siya sa pagdiriwang. “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman,” ang isinulat ni Pablo, “gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31; tingnan ang kahong “Gumawa ng Matatalinong Desisyon,” sa pahina 158-9.) Pero kapag ang isang kaugalian o pagdiriwang ay maliwanag na wala namang kaugnayan sa huwad na relihiyon, pulitika o pagiging makabayan, at hindi labag sa mga simulain ng Bibliya, nasa indibiduwal na Kristiyano ang pagpapasiya kung makikisali siya rito. Kasabay nito, isasaalang-alang din niya ang damdamin ng iba para hindi siya makatisod.

LUWALHATIIN ANG DIYOS SA SALITA AT GAWA

23 Para sa marami, ang ilang popular na pagdiriwang ay pangunahin nang mga pagkakataon para magkasama-sama ang pamilya at magkakaibigan. Kaya kung iniisip ng isa na ang ating maka-Kasulatang paninindigan ay hindi nagpapakita ng pagmamahal o wala sa katuwiran, maaari nating ipaliwanag sa kaniya sa mabait na paraan na mahalaga rin sa mga Saksi ni Jehova ang kaayaayang mga salu-salo ng pamilya at magkakaibigan. (Kawikaan 11:25; Eclesiastes 3:12, 13; 2 Corinto 9:7) Tuwang-tuwa tayong makasama ang ating mga mahal sa buhay sa buong taon, pero dahil sa ating pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang matuwid na mga pamantayan, ayaw nating mabahiran ang gayong masasayang okasyon ng mga kaugaliang magpapasamâ ng Kaniyang loob.—Tingnan ang kahong “Nagdudulot ng Napakalaking Kagalakan ang Tunay na Pagsamba,” sa pahina 156.

24 Maganda ang naging resulta nang ipaliwanag ng ilang Saksi sa mga taimtim na nagtatanong ang mga punto sa kabanata 16 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Pero tandaan natin na ang ating tunguhin ay para makuha ang kanilang loob, at hindi para makipagtalo. Kaya maging magalang, manatiling mahinahon, at “ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.”—Colosas 4:6.
25 Bilang mga lingkod ni Jehova, naturuan tayong mabuti sa mga bagay-bagay. Alam natin kung bakit natin pinaniniwalaan, ginagawa, at iniiwasan ang ilang bagay. (Hebreo 5:14) Kaya kayong mga magulang, turuan ninyo ang inyong mga anak na mangatuwiran salig sa mga simulain sa Bibliya. Sa paggawa nito, pinatitibay ninyo ang kanilang pananampalataya, tinutulungan ninyo silang masagot mula sa Kasulatan ang mga kumukuwestiyon sa kanilang mga paniniwala, at tinitiyak ninyo sa kanila na mahal sila ni Jehova.—Isaias 48:17, 18; 1 Pedro 3:15.

26 Ang lahat ng sumasamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan” ay hindi lamang umiiwas sa mga di-makakasulatang pagdiriwang kundi nagsisikap ding maging matapat sa lahat ng pitak ng buhay. Sa ngayon, itinuturing ng marami na hindi na praktikal ang pagiging matapat. Pero gaya ng makikita natin sa susunod na kabanata, ang mga paraan ng Diyos ang palaging pinakamagaling.

[Mga Talababa]

Tingnan ang kahong “Dapat ba Akong Makisali sa Pagdiriwang?” sa pahina 148-9. May ilang partikular na kapistahan at pagdiriwang na nakatala sa Watch Tower Publications Index, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Salig sa kronolohiya ng Bibliya at sa sekular na kasaysayan, malamang na isinilang si Jesus noong 2 B.C.E. ng buwan ng Etanim sa kalendaryong Judio, na pumapatak ng Setyembre/Oktubre sa ating kasalukuyang kalendaryo.—Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 56-7, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Tingnan ang kahong “Mga Kapistahan at Satanismo” sa pahina 150.
Hinihiling ng tipang Kautusan na ang isang babae, pagkatapos magsilang, ay dapat magbigay sa Diyos ng handog ukol sa kasalanan. (Levitico 12:1-8) Ipinaaalaala ng kahilingang ito ang malungkot na katotohanan na ipinapasa ng mga tao ang kasalanan sa kanilang mga anak. Nakatulong ito sa mga Israelita na magkaroon ng wastong pananaw hinggil sa kapanganakan ng isang sanggol at maaaring nag-udyok sa kanila na umiwas sa mga paganong kaugalian sa pagdiriwang ng kapanganakan.—Awit 51:5.

Iniuugnay rin ang Easter sa pagsamba ng mga taga-Fenicia sa diyosa ng pag-aanak na si Astarte. Itlog at kuneho ang kaniyang mga sagisag. Ang mga estatuwa ni Astarte ay inilalarawan na may napakalaking mga sangkap sa sekso o kaya naman ay may hawak na itlog at may katabing kuneho.
Tingnan ang tatlong artikulo tungkol sa kasalan at sa mga salu-salo sa Ang Bantayan, Oktubre 15, 2006, pahina 18-31.
Tingnan Ang Bantayan, Pebrero 15, 2007, pahina 30-1.
Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga Tanong sa Aralin]
1. Anong uri ng mga tao ang inilalapit ni Jehova sa kaniya, at bakit sila dapat manatiling mapagbantay sa kanilang espirituwalidad?
2. Ipaliwanag kung ano ang pananaw ni Jehova sa mga nagtatangkang pagsamahin ang tunay na relihiyon at ang huwad na relihiyon.
3, 4. Bakit kailangan nating bigyang-pansin ang mga simulain ng Bibliya kapag sinusuri ang popular na mga kaugalian at pagdiriwang?
5. Bakit tayo makakatiyak na hindi Disyembre 25 ang kapanganakan ni Jesus?
6, 7. (a) Saan nagmula ang maraming kaugalian ng Pasko? (b) Ano ang pagkakaiba ng pagbibigayan kung Pasko at pagbibigayan ng mga Kristiyano?
8. Nagregalo ba ang mga astrologo kay Jesus para sa kaniyang kapanganakan? Ipaliwanag.
9. Ano ang nangyari sa mga pagdiriwang ng araw ng kapanganakan na binanggit sa Bibliya?
10, 11. Ano ang pananaw ng sinaunang mga Kristiyano sa mga pagdiriwang ng kapanganakan, at bakit?
12. Bakit masasabing mas mahalaga ang araw ng ating kamatayan kaysa sa araw ng ating kapanganakan?
13, 14. Saan nagmula ang popular na mga kaugalian ng Easter?
15. Saan nagmula ang Halloween, at ano ang kapansin-pansin sa piniling petsa para ipagdiwang ang kapistahang ito?
16, 17. (a) Bakit dapat suriin ng mga Kristiyanong nagpaplanong magpakasal ang mga lokal na kaugalian sa kasal sa tulong ng mga simulain sa Bibliya? (b) Kung tungkol sa mga kaugaliang gaya ng paghahagis ng bigas o ng iba pang bagay, ano ang dapat isaalang-alang ng mga Kristiyano?
18. Anong mga simulain sa Bibliya ang dapat sundin ng magkasintahang nagpaplanong magpakasal at ng mga inanyayahang dumalo?
19, 20. Ano ang sinasabi ng isang sekular na reperensiya tungkol sa pinagmulan ng pagto-toast, at bakit hindi katanggap-tanggap ang kaugaliang ito sa mga Kristiyano?
21. Anong mga popular na pagdiriwang ang dapat iwasan ng mga Kristiyano bagaman tila walang kaugnayan sa relihiyon ang mga ito, at bakit?
22. Kailan maaaring magdesisyon ang isang Kristiyano ayon sa kaniyang budhi kung makikisali siya o hindi sa isang pagdiriwang?
23, 24. Paano tayo makapagbibigay ng mahusay na patotoo may kinalaman sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova?
25, 26. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na sumulong sa pananampalataya at pag-ibig kay Jehova?
[Kahon/Larawan sa pahina 148, 149]

DAPAT BA AKONG MAKISALI SA PAGDIRIWANG?


Simulain: “‘Lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’”—2 Corinto 6:17.
Tanungin ang sarili tungkol sa isang popular na pagdiriwang o kaugalian
▪ Kitang-kita bang nagmula ito sa gawain o turo ng huwad na relihiyon, kasali na ang espiritismo?—Isaias 52:11; 1 Corinto 4:6; 2 Corinto 6:14-18; Apocalipsis 18:4.
▪ Nagbibigay ba ito ng labis na parangal o paghanga sa isang tao, organisasyon, o sagisag ng bansa?—Jeremias 17:5-7; Gawa 10:25, 26; 1 Juan 5:21.
▪ Iniaangat ba nito ang isang bansa o etnikong grupo kaysa sa iba?—Gawa 10:34, 35; 17:26.
▪ Nakikita ba rito “ang espiritu ng sanlibutan,” na salansang sa banal na espiritu ng Diyos?—1 Corinto 2:12; Efeso 2:2.
▪ May matitisod ba kung makikisali ako rito?—Roma 14:21.
▪ Kung hindi ako makikisali, paano ko ito ipaliliwanag sa iba sa magalang na paraan?—Roma 12:1, 2; Colosas 4:6.
Makatutulong din ang sumusunod na mga teksto upang masagot ang mga tanong tungkol sa popular na mga pagdiriwang:
▪ “Nakisama [ang di-tapat na mga Israelita] sa mga bansa at natuto ng kanilang mga gawa.”—Awit 106:35.
▪ “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami, at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.”—Lucas 16:10.
▪ “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.”—Juan 15:19.
▪ “Hindi kayo maaaring makibahagi sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.”—1 Corinto 10:21.
▪ “Ang panahong nagdaan ay sapat na upang maisagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa nang lumalakad kayo sa mga gawa ng mahalay na pag- gawi, masasamang pita, mga pagpapakalabis sa alak, mga walang-taros na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom, at mga bawal na idolatriya.”—1 Pedro 4:3.
[Larawan sa pahina 150]

MGA KAPISTAHAN AT SATANISMO

Kapansin-pansin na ang pinakaimportanteng araw sa relihiyong tinatawag na Satanismo ay ang araw ng kapanganakan ng isang tao. Bakit? Dahil naniniwala ang mga Satanista na ang bawat indibiduwal ay diyos kung nais niyang ituring ang kaniyang sarili na diyos. Kaya ang pagdiriwang ng kapanganakan ay pagdiriwang ng pagsilang ng isang diyos. Siyempre pa, marami ang hindi sang-ayon sa ganitong sobrang pagtingin sa sarili. Pero ganito ang sabi ng aklat na The Lore of Birthdays: “Ang ibang pagdiriwang ay nakapagpapataba ng puso, pero ang pagdiriwang sa araw ng kapanganakan ay nakapagpapalaki ng ulo.”
Ang sumunod na pinakaimportanteng mga pagdiriwang sa kalendaryo ng mga Satanista ay ang Walpurgis Night at Halloween. Ayon sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ang Walpurgis Night ay “ang bisperas ng May Day kung saan ang mga mangkukulam ay pinaniniwalaang nagkikita-kita sa isang napagkasunduang lugar.”
[Kahon sa pahina 156]

NAGDUDULOT NG NAPAKALAKING KAGALAKAN ANG TUNAY NA PAGSAMBA

Si Jehova ang “maligayang Diyos,” at gusto niyang maging maligaya ang kaniyang mga lingkod. (1 Timoteo 1:11) Ang katotohanang ito ay makikita sa sumusunod na mga teksto:
“Ang may mabuting puso ay laging may piging.”—Kawikaan 15:15.
“Nalaman ko na wala nang mas mabuti sa kanila kundi ang magsaya at gumawa ng mabuti habang ang isa ay nabubuhay; at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.”—Eclesiastes 3:12, 13.
“Kung tungkol sa isa na bukas-palad, nagpapayo siya ukol sa mga bagay na bukas-palad; at para sa mga bagay na bukas-palad ay titindig siya.”—Isaias 32:8.
“Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko [Jesus] kayo. . . . Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mateo 11:28, 30.
“Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:32.
“[Ibigay] ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”—2 Corinto 9:7.
“Ang mga bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, . . . kabaitan, kabutihan.”—Galacia 5:22.
“Ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan at katuwiran at katotohanan.”—Efeso 5:9.
[Kahon sa pahina 158, 159]

GUMAWA NG MATATALINONG DESISYON

Kung minsan, maaaring bumangon ang mga situwasyong susubok sa ating pag-ibig kay Jehova at sa ating unawa sa mga simulain sa Bibliya. Halimbawa, baka ang isang Kristiyano ay anyayahan ng kaniyang di-sumasampalatayang asawa sa isang salu-salo kasama ng mga kamag-anak sa panahon ng isang kapistahan ng sanlibutan. Ang ilang Kristiyano ay maaaring pahintulutan ng kanilang budhi na paunlakan ang paanyaya; ang iba naman ay hindi. Kapag pinaunlakan ng isang Kristiyano ang paanyaya, dapat na makita sa kaniyang paggawi na hindi siya nakikipagdiwang kundi gusto lamang niyang makasalo ang kanilang mga kamag-anak.

Makabubuti para sa isang Kristiyano na magalang na kausapin agad ang kaniyang asawa, anupat ipinaliliwanag na baka may mapahiya kung hindi siya makisali sa mga gagawin ng kanilang mga kamag-anak bilang bahagi ng pagdiriwang. Baka sakaling magdesisyon ang di-sumasampalatayang asawa na sa ibang araw na lamang sila pumunta.—1 Pedro 3:15.
Paano kung mapilit pa rin ang asawang lalaki na isama ang kaniyang Kristiyanong asawa kahit nagpaliwanag na ito? Puwedeng isipin ng Kristiyanong asawang babae na pananagutan ng kaniyang asawa bilang ulo ng pamilya ang magpakain sa pamilya. (Colosas 3:18) Sa pagkakataong ito, isinaayos ng asawang lalaki na sa bahay ng mga kamag-anak nito sila kumain. Baka makapagpatotoo pa nga ang asawang babae sa okasyong iyon. Hindi naman nagiging marumi ang pagkain dahil lamang sa kinakain ito sa panahon ng kapistahan ng sanlibutan. (1 Corinto 8:8) Maaaring ituring ng Kristiyano na karaniwang kainan lamang ito at hindi naman kailangang makisali sa anumang pagbabatian, kantahan, pagto-toast, at iba pang gawain sa pagdiriwang.
Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang ay ang posibleng maging epekto sa iba ng pakikisalo sa gayong kainan. Dapat isaisip ng Kristiyanong asawang babae ang posibilidad na baka matisod ang iba kapag nalaman nilang pumunta siya sa pagdiriwang ng mga di-Saksing kamag-anak.—1 Corinto 8:9; 10:23, 24.
Isa pa, hindi kaya pilitin ng pamilya ang Kristiyanong asawang babae na makipagkompromiso? Mahirap nang tumanggi kapag kahiyaan na! Kaya mahalagang patiunang pag-isipan nang mabuti ang mga bagay-bagay, anupat isinasaalang-alang ang lahat ng maaaring mangyari, pati na siyempre ang kaniyang sariling budhing Kristiyano.—Gawa 24:16.

Dapat Ko Bang Tanggapin ang Bonus Kung Pasko?

Sa panahon ng Kapaskuhan, baka magbigay ng regalo o bonus ang amo ng isang Kristiyano. Dapat ba itong tanggihan ng Kristiyano? Depende sa kalagayan. Baka wala naman sa isip ng amo niya na kapag tinanggap ito ng isa ay nagdiriwang na siya ng Pasko. Baka gusto lamang ng amo na ibahagi sa lahat ng kaniyang trabahador ang tinubo ng kompanya. O maaaring ang bonus ay bilang pasasalamat sa ginawang paglilingkod sa buong taon at para maudyukan pa silang ipagpatuloy ang mahusay na pagtatrabaho. Maaaring magbigay ng regalo ang amo sa lahat ng empleado—Judio, Muslim, o iba pa—nagdiriwang man sila ng Pasko o hindi. Kaya hindi nangangahulugang hindi na maaaring tanggapin ng isang Saksi ni Jehova ang isang regalo dahil lamang sa nauugnay ito sa isang kapistahan o ibinigay ito sa panahon ng isang pagdiriwang.
Kung niregaluhan ang isang Kristiyano dahil sa isang relihiyosong kapistahan, at tinanggap niya ang regalo, hindi ito nangangahulugan na nakikipagdiwang na siya. Baka ang isang katrabaho o kamag-anak ay magsabi sa Saksi, “Alam kong hindi ninyo ipinagdiriwang ang okasyong ito, pero gusto pa rin kitang regaluhan.” Kung ipinahihintulot ng budhi ng isang Kristiyano, maaari niyang tanggapin ang regalo at magpasalamat nang hindi bumabanggit ng anuman tungkol sa kapistahan. (Gawa 23:1) Marahil sa ibang panahon na malamang na hindi na sasamâ ang kaniyang loob, mataktika nang maipaliliwanag ng isang Kristiyano ang kaniyang paninindigan.
Pero paano kung maliwanag na ang intensiyon ng nagreregalo ay para ipakita na hindi matatag ang paninindigan ng Kristiyano sa kaniyang mga paniniwala o na makikipagkompromiso ito kapalit ng materyal na pakinabang? Kung gayon, dapat lamang na tanggihan ang regalo. Tiyak na gusto nating makapag-ukol ng bukod-tanging debosyon sa Diyos na Jehova.—Mateo 4:8-10.

[Larawan sa pahina 147]

Ang mga tunay na Kristiyano ay nagbibigay udyok ng pag-ibig

**Manatili Sa Pag-ibig Ng Diyos, c 2008; Kabanata 13, p. 144 – 159

Dugo

January 20, 2012

Dugo

Kahulugan: Isang tunay na kamanghamanghang likido na nananalaytay sa mga ugat ng katawan ng mga tao at karamihan ng mga hayop, na naglalaan ng sustansiya at oksihena, nag-aalis ng mga dumi ng katawan, at gumaganap ng pangunahing papel sa pagsasanggalang sa katawan laban sa impeksiyon. Napakatalik ng kaugnayan ng dugo sa pananatiling buháy kung kaya’t sinasabi ng Bibliya na “ang kaluluwa [buhay] ng laman ay nasa dugo.” (Lev. 17:11) Bilang Bukal ng buhay, si Jehova ay naglaan ng tiyak na mga tagubilin hinggil sa wastong paggamit sa dugo.

Ang mga Kristiyano ay inuutusan na ‘magsiilag . . . sa dugo’

Gawa 15:28, 29: “Sapagka’t minagaling ng banal na espiritu at namin [ang lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano] na huwag na kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na kayo’y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan at sa dugo at sa mga binigti [o, pinatay nang hindi pinatutulo ang kanilang dugo] at sa pakikiapid. Kung maingat ninyong iiwasan ang mga bagay na ito ay ikabubuti ninyo. Mabuting kalusugan sa inyo!” (Doon ang pagkain ng dugo ay itinumbas sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa pakikiapid, mga bagay na hindi natin nanaising lahukan.)

Puwedeng kanin ang laman ng hayop, nguni’t hindi ang dugo

Gen. 9:3, 4: “Bawa’t umuusad na hayop na nabubuhay ay magsisilbing pagkain ninyo. Gaya ng mga sariwang pananim, lahat ay ibinibigay ko sa inyo. Nguni’t ang lamang may kaluluwa [buhay]—na siya nitong dugo—ay huwag ninyong kakanin.”

Dapat patuluin ang dugo ng alinmang hayop na kinakain. Hindi maaaring kainin ang isa na binigti o namatay sa bitag o kaya’y nasumpungan nang patay. (Gawa 15:19, 20; ihambing ang Levitico 17:13-16.) Kasuwato nito, hindi dapat kanin ang alinmang pagkain na nilahukan ng buong dugo o kahit ng sangkap mula sa dugo.

Ang tanging paggamit sa dugo na sinasang-ayunan ng Diyos ay ang sa paghahain

Lev. 17:11, 12: “Ang kaluluwa [buhay] ng laman ay nasa dugo, at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa, sapagka’t ang dugo’y siyang tumutubos dahil sa kaluluwa [buhay] nito. Kaya’t aking sinabi sa mga anak ni Israel: ‘Sinoman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang mga taga-ibang bayan na nakikipamayan sa inyo ay huwag kakain ng dugo.’ ” (Lahat ng mga haing hayop sa ilalim ng Batas Mosaiko ay lumarawan sa iisang hain ni Jesu-Kristo.)

Heb. 9:11-14, 22: “Nang dumating si Kristo bilang mataas na saserdote . . . siya’y pumasok, hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga bulong baka, kundi sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo, na minsan magpakailanman sa dakong banal at kinamtan ang walang-hanggang katubusan para sa atin. Sapagka’t kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka at ang abo ng dumalagang baka na iniwisik sa mga nadungisan ay nagpapaging-banal sa ikalilinis ng laman, gaano pa kaya ang dugo ni Kristo, na sa pamamagitan ng espiritung walang-hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Diyos, ay maglilinis ng ating budhi mula sa patay na mga gawa upang tayo’y makapag-ukol ng banal na paglilingkod sa buháy na Diyos? . . . Maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.”

Efe. 1:7: “Sa pamamagitan niya [si Jesu-Kristo] tayo’y may katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, oo, ang kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang di-na-sana nararapat na kagandahang-loob.”

Papaano inunawa ng mga nag-aangking Kristiyano noong unang mga siglo C.E. ang mga utos ng Bibliya hinggil sa dugo?

Si Tertullian (c. 160-230 C.E.): “Mahiya kayo sa mga Kristiyano dahil sa inyong kakatwang mga paraan. Hindi man lamang namin inilalahok ang dugo ng mga hayop sa aming pagkain, sapagka’t ito’y pangkaraniwang pagkain lamang. . . . Sa paglilitis ng mga Kristiyano kayo [mga paganong Romano] ay nag-aalok sa kanila ng mga longganisang may dugo. Sabihin pa, naniniwala kayo na ang mismong itinutukso ninyo sa kanila upang sila’y lumihis sa tamang landas ay isang bagay na para sa kanila’y katampalasanan. Bakit nga, kung kailan pa ninyo natiyak na sila’y nasusuklam sa dugo ng isang hayop, saka pa ninyo aasahan na sila’y mahayok sa dugo ng tao?”—Tertullian, Apologetical Works, and Minucius Felix, Octavius (Nueba York, 1950), isinalin ni Emily Daly, p. 33.

Minucius Felix (ikatlong siglo C.E.): “Gayon na lamang ang pag-iwas namin sa dugo ng tao, kung kaya’t hindi namin inihahain maging ang dugo ng mga pagkaing hayop sa aming hapag-kainan.”—The Ante-Nicene Fathers (Grand Rapids, Mich.; 1956), pinamatnugutan ni A. Roberts at J. Donaldson, Tomo IV, p. 192.

Mga Pagsasalin ng Dugo

Ang pagbabawal ba ng Bibliya ay naglalakip sa dugo ng tao?

Oo, at ganito ang pagka-unawa ng sinaunang mga Kristiyano. Ang Gawa 15:29 ay nagsasabi na “magsiilag . . . sa dugo.” Hindi nito sinasabi na iwasan lamang ang dugo ng hayop. (Ihambing ang Levitico 17:10, na nagbabawal sa pagkain ng “anomang dugo.”) Si Tertullian (na sumulat bilang pagsasanggalang sa paniniwala ng sinaunang mga Kristiyano) ay nagsabi: “Ang pagbabawal sa ‘dugo’ ay uunawain natin na (isang pagbabawal) lalung-lalo nang kumakapit sa dugo ng tao.”—The Ante-Nicene Fathers, Tomo IV, p. 86.

Ang pagsasalin ba’y talagang katumbas ng pagkain ng dugo?

Sa ospital, kapag ang pasyente’y hindi makakain sa pamamagitan ng kaniyang bibig, siya ay pinakakain sa pamamagitan ng kaniyang ugat. Kaya, ang isa bang tao na kailanma’y hindi pa nakapagsusubo ng dugo sa kaniyang bibig subali’t tumatanggap ng dugo sa pamamagitan ng pagsasalin ay talagang sumusunod sa utos na “magsiilag sa . . . dugo”? (Gawa 15:29) Bilang paghahambing, kuning halimbawa ang isang tao na pinayuhan ng doktor na umiwas sa alkohol. Magiging masunurin kaya siya kung hihinto siya ng pag-inom ng alkohol pero tuwiran naman niya itong itinuturok sa kaniyang mga ugat?

May mga kahalili bang paraan ng panggagamot para sa isang pasyente na tumatanggi sa dugo?

Madalas, ang simpleng saline solution, Ringer’s solution at dextran ay maaaring gamitin bilang plasma volume expander, at ang mga ito ay makukuha sa halos lahat ng makabagong ospital. Sa katunayan, ang mga panganib na kaakibat ng pagsasalin ng dugo ay naiiwasan sa paggamit ng mga sangkap na ito. Sinasabi ng Canadian Anaesthetists’ Society Journal (Enero 1975, p. 12): “Ang mga panganib ng pagsasalin ng dugo ay siyang bentaha ng mga panghalili sa plasma: pag-iwas sa impeksiyon na sanhi ng bakterya at virus, mga di-kanaisnais na reaksiyon sa pagsasalin at ang suliranin na likha ng di-pagkakatugma sa tipo ng dugo [Rh sensitization].” Ang mga Saksi ni Jehova ay walang relihiyosong pagtutol sa paggamit ng walang-dugong plasma expander.

Ang totoo’y nadudulutan ang mga Saksi ni Jehova ng mas mahuhusay na paraan ng panggagamot dahilan sa di nila pagtanggap ng dugo. Ganito ang inamin ng isang duktor nang ito ay sumulat sa American Journal of Obstetrics and Gynecology (Hunyo 1, 1968, p. 395): “Walang alinlangan na kapag kayo [ang siruhano] ay umoopera nang walang pagsasalin ng dugo, lalong humuhusay ang inyong pagtitistis. Lalo kayong nagiging listo sa pag-ipit ng bawa’t nagdurugong ugat.”

Lahat ng uri ng operasyon ay maidadaos nang matagumpay kahit walang pagsasalin ng dugo. Kasama na rito ang operasyon na open-heart, pagputol ng mga kamay o paa, at ang lubusang pagtanggal ng mga sangkap na may kanser. Ganito ang sinabi ni Dr. Philip Roen nang siya ay sumulat sa New York State Journal of Medicine (Oktubre 15, 1972, p. 2527): “Hindi kami nag-atubili na gawin ang alinman at lahat ng hinihiling na pamamaraan sa pagtitistis sa harap ng pagbabawal sa pagsasalin ng dugo.” Si Dr. Denton Cooley, sa Texas Heart Institute, ay nagsabi: “Talagang namangha kami sa resulta [ng paggamit ng mga plasma expander na walang dugo] sa mga Saksi ni Jehova kung kaya’t sinimulan naming gamitin ang pamamaraang ito sa lahat ng aming pasyente sa puso.” (Ang Union ng San Diego, Disyembre 27, 1970, p. A-10) “Ang ‘walang-dugong’ mga open-heart na operasyon, na unang isinaayos para sa nasa-edad na mga miyembro ng sekta ng mga Saksi ni Jehova sapagka’t ipinagbabawal ng kanilang relihiyon ang pagsasalin ng dugo, ay buong-ligtas ngayong ginagamit sa delikadong mga operasyon sa mga sanggol at kabataan.”—Cardiovascular News, Pebrero 1984, p. 5.

Kung May Magsasabi—

‘Pinababayaan ninyong mamatay ang inyong anak pagka’t ayaw ninyong pasalin ng dugo. Masyado naman kayo’

Maaari kayong sumagot: ‘Pinapayagan namin silang salinan—kaya lang ay yaong mas ligtas na paraan. Tinatanggap namin ang paraan ng pagsasalin na hindi naghaharap ng panganib ng AIDS, hepatitis, at malarya. Hangad namin ang pinakamabuting panggagamot para sa aming mga anak, gaya ng natitiyak kong hangad ng sinomang maibiging magulang.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Kapag napakaraming dugo ang nawala, ang pinakamalubhang pangangailangan ay isauli ang dami ng likido. Siguro natatalos ninyo na 50 porsiyento ng ating dugo ay talagang tubig; ang iba’y binubuo ng mga pula at puting selula, at iba pa. Kapag napakaraming dugo ang nawala, ang katawan mismo ay nagpapalabas sa ating mga ugat ng maraming reserbang selula ng dugo at pinabibilis ang produksiyon ng mga bagong selula. Pero kailangan ang sapat na dami ng likido. Ang mga plasma volume expander na walang dugo ay puwedeng gamitin sa layuning ito, at ito ay tinatanggap namin.’ (2) ‘Ang mga plasma volume expander ay nagamit na sa libu-libong mga tao, at napakahusay ang mga resulta.’ (3) ‘Higit na mahalaga sa amin ay ang sinasabi mismo ng Bibliya sa Gawa 15:28, 29.’

O maaari ninyong sabihin: ‘Nauunawaan ko ang inyong punto-de-vista. Palagay ko’y parang nakikinikinita ninyo ang inyong anak sa situwasyong iyan. Bilang magulang gagawin natin ang lahat ng ating makakaya upang maipagsanggalang ang kapakanan ng ating anak, hindi ba? Kaya kung ang mga taong tulad ninyo at ako ay tatanggi sa isang paraan ng panggagamot para sa ating anak, tiyak na mayroon tayong makatuwirang dahilan para dito.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Sa palagay ninyo hindi kaya naiimpluwensiyahan ang ibang mga magulang ng kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos dito sa Gawa 15:28, 29?’ (2) ‘Kaya ang tanong ay, May sapat ba tayong pananampalataya upang gawin ang iniuutos ng Diyos?’

‘Hindi kayo naniniwala sa pagsasalin ng dugo’

Maaari kayong sumagot: ‘Ang mga pahayagan ay naglathala ng mga balita hinggil sa ilang situwasyon na kung saan inakala nila na ang mga Saksi ay mamamatay kung hindi sila tatanggap ng dugo. Ito ba ang nasa isip ninyo? . . . Bakit ba namin kinukuha ang ganitong paninindigan?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Sa laki ng inyong pagmamahal sa inyong asawa handa ba kayong isapanganib ang inyong buhay alang-alang sa kaniya? . . . Mayroon ding mga tao na nagsasapanganib ng kanilang buhay alang-alang sa bayan, at sila’y itinuturing na mga bayani, hindi ba? Subali’t mayroong isa na mas dakila kaysa sinomang tao o bagay dito sa lupa, at iyon ay ang Diyos. Isasapanganib ba ninyo ang inyong buhay dahil sa pagmamahal sa kaniya at dahil sa katapatan sa kaniyang pamamahala?’ (2) ‘Ang isyu na talagang pinag-uusapan dito ay ang katapatan sa Diyos. Salita ng Diyos ang nagsasabi sa atin na umiwas sa dugo. (Gawa 15:28, 29)’

O maaari ninyong sabihin: ‘Maraming pangkaraniwang bagay sa ngayon na iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova—halimbawa’y, pagsisinungaling, pangangalunya, pagnanakaw, paninigarilyo, at gaya ng nabanggit ninyo, ang paggamit ng dugo. Bakit? Sapagka’t ang aming buhay ay inugitan ng Salita ng Diyos.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Alam ba ninyo na sinasabi ng Bibliya na dapat tayong “magsiilag sa dugo”? Gusto kong ipakita ito sa inyo. (Gawa 15:28, 29)’ (2) ‘Marahil ay naaalaala ninyo na sinabi ng Diyos sa ating unang mga magulang, sina Adan at Eba, na makakakain sila sa alinmang punong-kahoy sa Eden maliban sa isa. Subali’t sumuway sila, kumain ng ipinagbabawal na bungang-kahoy, at iniwala ang lahat. Napakamangmang! Totoo, sa ngayon ay walang puno na may ipinagbabawal na bungang-kahoy. Pero pagkaraan ng Baha noong kaarawan ni Noe muling iniharap ng Diyos ang isang pagbabawal para sa sangkatauhan. Dito’y napasangkot na ang dugo. (Gen. 9:3, 4)’ (3) ‘Kaya ang talagang kuwestiyon ay ito, May pananampalataya ba tayo sa Diyos? Kung susundin natin siya, nasa harapan natin ang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan sa ilalim ng kaniyang Kaharian. Mamatay man tayo, tinitiyak niya sa atin ang isang pagkabuhay-muli.’

‘Papaano kung sabihin ng duktor, “Mamamatay kayo kung hindi kayo magpapasalin ng dugo”?’

Maaari kayong sumagot: ‘Kung talagang ganoong kalubha ang situwasyon, matitiyak ba ng duktor na ang pasyente ay hindi mamamatay kung siya’y sasalinan ng dugo?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Pero may isa na makapagbibigay ng buhay sa atin, at iyon ay ang Diyos. Hindi ba kayo sasang-ayon na, kapag talagang nakaharap na sa kamatayan, ang pagtalikod sa Diyos sa pamamagitan ng pagsuway sa kaniyang utos ay hindi isang matalinong pasiya? Ako’y talagang may pananampalataya sa Diyos. Ganoon din ba kayo? Ang Salita niya ay nangangako ng pagkabuhay-muli para sa bawa’t sumasampalataya sa kaniyang Anak. Naniniwala ba kayo dito? (Juan 11:25)’

O maaari ninyong sabihin: ‘Maaaring nangangahulugan ito na hindi talaga niya alam kung papaano haharapin ang situwasyon nang hindi gagamit ng dugo. Hangga’t maaari, sinisikap naming makausap niya ang isang duktor na mayroon nang karanasan, o kaya’y naghahanap na lamang kami ng ibang duktor.’

 

Nangangatuwiran Mula Sa Kasulatan, “Dugo”, p. 139 – 144